IC Mendoza biktima ng scammer, nagpautang ng P30k sa inakalang kakilala
NADAGDAG ang TV host-actor at entrepreneur na si IC Mendoza sa mga celebrities na nabiktima ng online scammer.
Nanghinayang si IC sa P30,000 na nakulimbat sa kanya ng scammer na nanghiram sa kanya ng pera gamit ang pangalan ng isa niyang kakilala.
Ayon kay IC, personal siyang nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) para ireklamo ang hinihinalang miyembro ng sindikato na nambibiktima sa social media.
Base sa report ng “TV Patrol” nitong nagdaang Martes, February 6, may kaibigan daw si IC na nag-chat sa kanya at nanghihiram ng P30,000.
Walang tanong-tanong, agad daw niyang pinadalhan ang taong kausap sa chat ng pera sa pamamagitan ng online transfer.
Salaysay ni IC, “Sabi niya sa message, ‘Anak, may favor sana ako sa iyo. Puwede ba makahiram ako ng money?’ So I asked, ‘Magkano po, Tita?’ ‘P30K.’
View this post on Instagram
“Tinransfer ko du’n, from my e-wallet to hers. Kasi kakamadali ko, hindi ko man lang natawagan or na-reconfirm sa kanya,” pahayag ng aktor.
Ilang sandali lang daw ang nakalipas ay nag-chat uli ang umutang sa kanya at nagtanong kung pwede niyang dagdagan ng P40,000 ang pinahiram niyang pera kasabay ng pangakong tutubuan na lang daw nito.
Baka Bet Mo: Bitoy, kasambahay nabiktima ng online scammer: Kapag hindi n’yo in-order, just say no!
Dito na nga raw siya kinutuban kaya mabilis niyang tinawagan ang kanyang pinsan at nagtanong tungkol sa taong ka-chat niya.
Ang sabi raw sa kanya, “Yun nga, ‘Uy, Ice, na-hack yung Facebook niya. Ang daming mini-message.’ Ang daming nagmi-message sa kanya na humihingi ng money.
“’Shocks, sayang!’ Ang unang pumasok sa isip ko, parang, ‘Shocks, mababalik ko pa ba? Paano ko ibabalik?’
“Nu’ng tinray kong i-confront yung hacker, scammer nga, sabi ko, ‘Please, pakibalik mo na. Parang, ‘Pakibalik mo na, kahit partial lang.’
“Sige, parang ano na lang, di ba, parang may TF din siya. Ganyan. Pero, like, yun. Tapos after nun, binlock na niya ako,” pagbabahagi ni IC.
Ang paalala naman ng chief ng Anti-organized and Transnational Crime Division ng NBI na si Atty. Jerome Bomediano, huwag basta-basta maglalabas ng pera kapag may nangutang o nanghiram sa pamamagitan ng chat o text.
Malamang sa malamang daw kasi ay scam ito kaya doblehin ang pag-iingat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.