MMFF 2023 REVIEW: Sharon, Alden swak ang ‘chemistry’, for sure marami ang makaka-relate sa ‘Family of Two’
ILANG araw ang inabot bago naming sulatin ang reaksyon namin sa pelikulang “Family of Two” nina Sharon Cuneta at Alden Richards mula sa Cineko Productions na sinulat ni Mel Mendoza-del Rosario at idinirek ni Nuel Naval na mapapanood na ngayong araw, Disyembre 25.
Habang pinanonood namin ang “Family of Two” ay hinahanapan namin ng matinding conflict sa mag-inang Sharon at Alden kasi ganu’n naman talaga sa tunay na buhay, pero ibang approach ang ginawa nina direk Nuel at writer na si Mel, napaka-subtle ng lahat ng conflicts. Sinabi naman din nila sa mediacon na very light lang ang kuwento ng entry nila ngayong Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023.
Sabagay base sa pagkakakilala naming kay Shawie bilang ina sa apat niyang anak ay makulit siya at maalalahanin at kaya tingin namin ay effortless ang pag-arte niya sa “Family of Two” dahil siyang-siya ito.
At ang ganda ni Sharon sa pelikula, alagang-alaga ang mga shots niya, sakto rin ang mga damit niya bilang nanay na walang work, pero maayos at hobby niya ang magtanim na inililipat-lipat lang sa ibang lalagyan para tanggal-inip niya habang wala ang nag-iisang anak na si Alden.
Baka Bet Mo: AJ, Sean pangarap makasali sa mga international filmfest: Gusto naming mapabilib ang mga tao
Bumagay din ang aktor sa karakter niyang super-bait na anak at kahit halatang nakukulitan na sa ina ay iniintindi niya ito at ni minsan ay hindi niya sinagot kaya wala talagang conflict ang mag-ina.
Kaya naming nasabing bumagay ay mukhang ganito siya sa totoong buhay base rin sa kwento ng mga nakakakilala sa kanya at kung paano rin siya magsalita o magkwento tungkol sa pamilya niya at kung ano ang pinagdaanan niya bago niya narating ang estado niya ngayon.
Bagama’t hindi sina Sharon at Alden ang first choice na gumanap sa kanilang role ay mas bagay na naging sila dahil ‘yung mga unang napili ay hindi babagay as in, walang chemistry.
Feeling nga namin ay para kina Sharon at Alden talaga ito at perfect choice sila at wala ng iba pa.
Pinaka-gusto naming parte ‘yung first time maghihiwalay ang mag-ina dahil tumanggap ng trabaho sa ibang bansa si Alden pero parang lagi pa rin silang magkasama dahil sa video call at laging magka-chat pa.
Pero iba pa rin kasi kapag pisikal mong kasama kaya si Sharon ay nanibago sa maraming bagay na nakasanayan na niyang gawin. Kaya para hindi mainip ay humanap ng pagkaka-abalahan ang aktres at nakakaiyak ang parteng ito.
Maraming nakaka-relate sa kuwento ng “Family of Two” lalo na kung close ka sa nanay mo lalo na ‘yung mga tinatawag na “mamas boy” dahil kwento nila ito.
Nakaka-relate rin kami, kahit Lola namin ang nagpalaki sa amin kasi working mom ang nanay namin kaya madalas siyang wala sa bahay hanggang makatapos kami ng pag-aaral.
Pagkakaiba lang, sabi nila kapag laki sa lola, spoiled, hindi po totoo dahil de numero ang lahat ng kilos namin.
Anyway, feel good movie ang “Family of Two” bagay ito sa pamilya at magkakaibigan na hawig ang kuwento sa buhay nila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.