Undas2023: Shaira Diaz nakakakilabot ang karanasan sa iba’t ibang elemento…may nasipang lamang-lupa, pinagtripan din ng ‘Undin’, binangungot pa
GRABE pala ang mga naranasan ng Kapuso actress na si Shaira Diaz pagdating sa mga kuwentong katatakutan at kababalaghan.
Knows n’yo ba na bata pa lang ang dalaga ay lapitin na talaga siya ng mga paranormal o mga bagay at sitwasyon na nangyayari pero mahirap maipaliwanag ng mga ordinaryong tao?
Noon pa raw ay madalas na siyang dalawin ng mga kakaibang nilalang sa pamamagitan ng kanyang panaginip at hanggang sa kanyang paglaki ay nangyayari pa rin ito at mas lumala pa.
“Noong bata talaga ako, weird pero laging about sa mga demonyo, mga witch ‘yung mga panaginip ko, mga patayan. Hindi ko alam kung bakit lagi akong nag-i-sleep paralysis,” pagbabahagi ni Shaira sa nakaraang episode ng “AHA!” hosted by Drew Arellano.
View this post on Instagram
May pagkakataon naman daw na may naririnig siyang maingay na tunog ng mga kubyertos pero wala naman siyang kasamang nag-aayos o naghuhugas ng mga ito.
Binalikan din niya ang nangyari noong bago siya mag-celebrate ng birthday, “Biglang ang daming dumugo sa legs ko na parang sugat, parang may lubog sa gitna.
“Napag-isipan namin na magpatawas, and then ang sabi sa akin, may nasipa raw ako na something, may nagalit,” ang nakakakilabot na kuwento ni Shaira.
Hinding-hindi rin daw niya makakalimutan noong mag-lock-in taping sila sa isang gubat para sa Kapuso series na “Lolong” kung saan mas matitinding kababalaghan ang kanyang naranasan.
Sa isang eksena raw niya na kinunan sa isang bahagi ng gubat ay kailangan siyang sumigaw na galit na galit at pagkatapos daw nito ay tila may nagparamdam na elemento sa kanyang panaginip.
“Kinagabihan na ‘yun, binangungot ako, may sumisigaw din sa akin parang entity siya na black na mabuhok. Sumisigaw siya, ‘yung sigaw niya ‘Aahhhhh!’ as in galit talaga. Tapos sinasakal ako. First time kong makita na may entity!” ang rebelasyon pa ni Shaira.
At mula noon ay palagi na raw may nagpaparamdam sa kanya sa set ng “Lolong”.
Ang mas nakakakilabot pang nangyari kay Shaira ay nang kinuha raw niya ang kanyang bag sa kanyang kuwarto at mapansing basang-basa ito pati na ang kaniyang kama.
View this post on Instagram
Nang i-check niya ay wala naman daw tagas o tulo sa kuwarto at hindi rin umuulan. Dito na kinausap ng aktres ang nanggugulong elemento at hinamong patunayang naroon nga ito sa pamamagitan ng pagbasa rin sa kanyang kumot at unan.
Kasunod nito, naramdaman ng dalaga na bigla na lang may malamig at may tumutulong “something” sa kanyang braso.
“Paano nangyari ‘yun? Tsinek ko ‘yung ilalim, walang kahit na anong basa, o tubig doon. Hindi siya tulo sa itaas. Sabi ko, ‘Oh my gosh positive nga!’ Doon ako na-convince na meron nga!” ang pahayag pa ni Shaira.
But wait, there’s more! Everytime raw na matutulog siya sa set ng “Lolong” ay may nararamdaman din siyang tumatapik sa hinihigaan niyang kama na parang ayaw talaga siyang patulugin.
“Gabi-gabi na akong umiiyak, gabi-gabi akong gising, hanggang umaga ‘yun,” lahad pa ni Shaira na nagdesisyon nang ipaalam sa production ang mga kababalaghang nangyayari sa kanya.
Isang albularyo raw ang tumingin kay Shaira na tiyuhin daw ng co-star niya sa “Lolong” na si Rochelle Pangilinan. At sabi raw nito, “May nakita nga siya, sabi niya water element, isang entity na black na maliit na mabuhok.”
Sabi ng anthropologist na si Nestor Castro, posibleng isa raw itong “undin” na isang maliit na nilalang na palaging basa, tulad ng napanood natin sa isang episode noon ng “Shake, Rattle and Roll.”
“Mga water nymphs na matatagpuan sa mga lawa. Sila ay maliliit na mga nilalang na tagapagbantay sa ating mga lawa at nangingitlog sila roon. Kapag nasira mo ang kanilang tahanan o kaya nabasag mo ang kanilang mga itlog, sila’y naghihiganti,” paliwanag ni Nestor Castro.
“Feeling ko sumunod siya sa kuwarto ko,” ang sabi naman ni Shaira.
Pinayuhan naman si Shaira ng isang faith healer na gawin ang ilang ritwal para tuluyan na siyang layuan ng mga elemento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.