Vice tapang-tapangan lang, sey ni Cristy Fermin: ‘Kung dudukutin po natin ang puso niya nandu’n po ‘yung pag-aalala at pagdadala ng problema’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Ion Perez at Vice Ganda
KUNG nagpakumbaba lang daw sina Vice Ganda at Ion Perez, pati na ang buong management ng “It’s Showtime” ay baka hindi na sila nanega at nadiin nang bonggang-bongga.
Naniniwala ang veteran entertainment columnist at online host na si Cristy Fermin na mas lumala pa ang sitwasyon ng noontime show ng ABS-CBN dahil sa tila pagmamatigas ng kampo ni Vice.
Naging pulutan na naman nina Nanay Cristy Fermin, Romel Chika at Wendell Alvarez sa kanilang “Showbiw Now Na” YouTube channel ang tungkol sa 12-day suspension na ipinataw ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB sa “It’s Showtime”.
Sabi ni Nanay Cristy, kung nagpakumbaba lamang umano sina Vice at Ion pati na ang buong production ng programa ay hindi na lalalim ang issue sa kanila. Sa itinakbo kasi ng naturang kontrobersya talagang pinanindigan nila na wala silang nagawang kasalanan at nilabag na batas.
“Kaso, ‘di ba, wala naman po kasi tayong nakikitang ganoon,” ang pahayag ng premyadong showbiz columnist.
Ikinumpara pa ni Wendell si Vice sa drag artist na si Pura Luka Vega na nagtapang-tapangan noong unang malagay sa kontrobersya dahil sa pambabastos umano kay Hesukristo at sa Simbahang Katolima ngunit nang mademanda na ay biglang humingi ng financial assistance sa publiko.
“Itong si Vice Ganda, ang tapang niya, ‘di ba. Sabihin, wala kaming ginawang kasalanan,” patutsada ni Wendell.
Ngunit sey naman ni Nanay Cristy, naniniwala siya na hindi totoong katapangan ang ipinakikita ni Vice sa madlang pipol.
“Kung dudukutin po natin ang puso ni Vice Ganda, nandoon din po ‘yung pag-aalala at pagdadala ng problema. Kaya lang, gusto niyang ipakita sa tao na matapang siya, e,” pahayag ni Nanay Cristy.
“‘Yun ang magpapasama sa kanila,” hirit naman ni Romel Chika.
Nitong nagdaang linggo, ibinasura ng MTRCB ang motions for reconsideration ang inihain ng “It’s Showtime” matapos parusahan ng 12-airing days suspension dahil sa pagsubo ng icing nina Vice at Ion gamit ang kanilang daliri sa “Isip-Bata” segment ng kanilang programa.
Bukod dito, sinampahan din ng mga kasong kriminal sina Vice at Ion ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) dahil umano sa nagawa nilang “indecent act” sa “Isip Bata”.