Rufa Mae: Ganito pala maging nanay ang sarap, ang saya, pero ang sakit din…
BALAK nang bumalik sa Pilipinas ng komedyanang si Rufa Mae Quinto anytime this year para asikasuhin ang ilang personal na mga bagay, pati na ang bago niyang bahay.
Mahigit isang taon nang nasa Amerika ngayon si Rufa Mae kasama ang kanyang pamilya matapos abutan doon ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
Nakalipat na nga sila sa bago nilang tirahan sa US na siya mismo ang nag-aasikaso kaya naman feel na feel niya raw talaga ang pagiging ilaw ng tahanan.
Sa panayam sa kanya ng GMA show na “Tunay Na Buhay”, nagbigay ng update ang aktres tungkol sa buhay niya sa Amerika pati na rin sa anak niyang si Athena.
“Okay naman ang buhay Amerikana. Char! Nose bleed pa rin at saka home sick,” ang tawa nang tawang kuwento ni Rufa Mae.
Dito na nga niya inamin na mas naging domesticated daw siya sa mahigit isang taong pananatili roon, “Oo, ako lahat. Kaya wala ka na talagang time para sa kung anu-ano pa. Alam mo ‘yon?
“Kung hindi lang importante at tsaka trabaho, hindi ka dapat umano pa (mag-inarte), kasi kung hindi magpo-fall down ‘yung bahay.
“Hindi pala madali ang magkaroon ng malaking bahay dito. Three bedrooms, ‘yung alam mo ‘yon, ‘yung simple lang, hindi kagaya noon. Sa Philippines kasi may tagalinis,” lahad pa ng komedyana.
Aminado rin si Rufa Mae na dahil sa dami ng ganap niya bilang nanay, “Parang wala na kong masyadong panahon sa sarili ko.
“Tapos, siyempre pinakamasaya ako, pinaka the best feeling, pero at the same time, pinakamasakit din kapag, halimbawa, may nagkasakit or umiiyak siya.
“Sabi ko, ganito pala maging nanay ang sarap, ang saya, pero ang sakit din,” dagdag pa niyang pahayag.
Sey ni Rufa Mae, wala naman talaga siyang balak na magtagal sa US ngunit dahil nga sa pandemya ay nabago ang lahat ng plano niya sa buhay pati na rin sa career.
“Two weeks lang talaga dahil nga birthday niya (Athena), third birthday. Dapat may gagawin akong soap opera diyan sa GMA.
“So, sabi ko, kung soap ‘yon, malamang three months ‘yon or six months. Sabi ko siguro hindi ako madalas makakauwi sa Amerika. So, sabi ko mag-stay kaya muna ako,” kuwento ng sexy comedienne.
“So sabi ko, wala eh, wala ring magagawa diyan, so ituloy ko na lang ‘yung dito sa Land of Opportunity, sabi nila,” sabi pa niya.
Bago matapos ang taon, plano ni Rufa Mae na umuwi ng Pilipinas dahil may mga mahahalaga siyang aasikasuhin kasama na nga riyan ang bagong bili niyang bahay.
“Alam mo, may brand new house ako na hindi ko na nakita. Five bedrooms, ang ganda-ganda tapos wala, hindi na nauwian.
“Pero, definitely this year, uuwi ako. Gusto ko bumalik para ayusin ko ‘yung buhay ko diyan,” chika pa ni Rufa Mae.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.