Mga ‘expired’ na driver’s license pwede pang magamit hanggang April 2024 –LTO
SINO sa inyo ang hindi pa makapag-renew at expired na ang driver’s license?
Nako, may good news ang BANDERA sa inyo.
Ayon sa inilabas na kautusan ng Land Transportation Office (LTO), pwede pa ‘yan gamitin hanggang sa Abril ng susunod na taon.
Pero paglilinaw ng LTO, ang mga valid lamang na mga lisensya ay ‘yung mga nag-expire simula noong nakaraang April 3.
Ayon pa sa ahensya, hindi na kailangang magpunta sa LTO office upang i-renew ang kanilang mga lisensya dahil ito raw ay “automatic” nang na-extend ang validity.
Ang bagong kautusan ay bunsod pa rin ng kakulangan ng supply ng plastic cards.
“EXTENDED po hanggang Abril 02, 2024 o hanggang sa magkaroon ng sapat na supply ng plastic card, ang bisa o validity ng DRIVER’S/CONDUCTOR’S LICENSE na mapapaso o may expiration date mula Abril 03, 2023 hanggang Abril 01, 2024,” saad sa inilabas na pahayag sa official Facebook page ng LTO.
Baka Bet Mo: Rehistro ng mga bagong motor bibigyan na ng ‘3 years validity’ – LTO
Dagdag pa, “Wala pong multa na ipapataw sa mga nabanggit na lisensya.”
Sakali raw na mag-renew, “tatatakan ng ‘Valid as Temporary Driver’s License Until Plastic Card is Released’ ang system generated driver’s license Official Receipt.”
Inisa-isa rin ng LTO ang mga impormasyon na dapat nakalagay sa ni-renew na lisensya, kabilang riyan ang mga sumusunod:
- Pangalan ng Issuing Office, Contact Personnel/Cellphone No./email address
- Pangalan at pirma ng releasing officer
- Screenshot ng driver’s license card (harap at likod) ng kliyente na nakaprint sa likod ng Official Receipt
Sa kabilang banda, ang mga luma o expired na driver’s license ay ibabalik sa may-ari at mananatiling “valid” hanggang sa mapalitan ito ng bagong plastic card.
Samantala, noong nakaraan lamang ay ibinalita ng LTO na hindi na required sumailalim sa regular medical examinations ang mga driver’s license holders na may validity na five to ten years.
Ayon sa pahayag ng ahensya, ito ay alinsunod sa inamyendahang Memorandum Circular 2021-2285 o ang “Supplemental Implementing Rules and Regulations” of Republic Act 10930.
Sinabi ng dating LTO Chief na si Jay Art Tugade na angkop lamang na tanggalin ang medical requirement dahil base sa iba’t ibang mga pag-aaral na isinagawa ng ahensya ay nagpapatunay ito na hindi kasama sa mga dahilan ng mga aksidente sa kalsada ang hindi pagsunod dito.
Sa ilalim ng nabanggit na kautusan, ang mandatory medical examination ay magiging required lamang bago mag-apply ng bagong lisensya, at pagpapa-renew ng driver’s license.
Read more:
Pagpapatupad ng price cap sa driving schools tuloy na tuloy na sa April 15 –LTO
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.