Rehistro ng mga bagong motor bibigyan na ng ‘3 years validity’ – LTO
INANUNSYO ng Land Transportation Office (LTO) na gagawin nang tatlong taon ang magiging bisa ng rehistro ng mga bagong motorsiklo sa bansa.
Ayon sa pahayag ng LTO nitong April 23, ito ay alinsunod sa inilabas na Memorandum Circular No. JMT-2023-2395 na nagsasabing ang mga motorsiklo na may makina o “engine displacements” na 200cc pababa ay pinapayagan nang magkaroon ng 3 years validity sa unang rehistro sa LTO.
“Hindi natin nakikita na magkakaroon ng problema sa roadworthiness ng mga motorsiklong may tatlong taong rehistro dahil ang mga ito naman ay bagong sasakyan,” paliwanag ni LTO chief Jay Art Tugade.
Ayon pa kay Tugade, ang bagong kautusan ay bahagi rin ng ginagawa nilang inisyatibo upang mabigyan ng karagdagang kaginhawaan ang publiko pagdating sa mga transaksyon sa ahensya.
“Naniniwala kami sa LTO na ang hakbang na ito ay makakatulong sa maraming drayber na nagpapa-rehistro ng bagong motorsiklo para magamit sa kanilang hanapbuhay o trabaho,” sey ng hepe ng ahensya.
Inaasahan na hindi bababa sa dalawang milyon na mga units ng motor ang makikinabang sa bagong polisiya ng LTO.
Samantala, nilinaw rin ng LTO na ang mga motorsiklo na may makinang 200cc at pababa ay kinakailangan pa ring magparehistro taon-taon pagkatapos ng tatlong taong bisa ng kanilang unang rehistro.
Read more:
Suspek sa pagbebenta ng nakaw na motorsiklo arestado sa QC
Pagpapatupad ng price cap sa driving schools tuloy na tuloy na sa April 15 –LTO
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.