Pinay trainee na si Sophia Laforteza ‘finalist’ sa audition program ng HYBE, kakasa kaya sa binubuong global girl group?
ISANG Pinay ang gumagawa ng pangalan sa mundo ng K-Pop!
Siya’y walang iba kundi ang 20-year-old trainee na si Sophia Laforteza.
Mula sa 120,000 applicants from around the world, isa si Sophia sa mga maswerteng 20 finalists na nakapasok sa “The Debut: Dream Academy,” ang audition program na inilunsad ng South Korean entertainment company HYBE at Geffen Records.
Ilan lamang sa mga bansa na makakasama ng Pinay trainee ay mga nagmula pa sa South Korea, Thailand, US, Japan, Brazil, Switzerland, Australia, Belarus, Argentina, Sweden, at Slovakia.
Para sa kaalaman ng marami, ang nasabing programa ay isang talent survival show na kung saan ay maglalaban-laban ang mga nabanggit na finalists para sa ibinubuong “global pop group.”
As of this writing, wala pang detalye kung ilang miyembro ang planong kuhain para sa bagong grupo.
“I have wanted to form an international group based on K-pop methodology for a while,” sey ng chairman ng HYBE na si Bang Si-hyuk sa isang report.
Saad pa niya, “I am very proud of the rich history we have made and the tremendous talent we have found. I am proud of the opportunities we have created within the K-pop universe.”
Kasabay ng pagpapakilala ng HYBE sa kanilang finalists sa nasabing talent show ay bumati rin si Sophia sa pamamagitan ng kanyang Instagram account.
Inilarawan ng Pinay trainee ang kanyang sarili bilang “hysterical, caring, and diligent.”
View this post on Instagram
Kumalat rin sa social media ang isang fan-posted video na nagpakilala mismo si Sophia sa isang press conference.
“Hello, my name is Sophia. I’m 20 years old and I’m from the Philippines. Magandang araw, ako po ay si Sophia, mula sa Pilipinas. Mabuhay sa inyong lahat,” saad niya sa viral video.
Sophia introduce herself at The Debut : Dream Academy Press conference today! pic.twitter.com/27zzJa8GJs
— Dream Academy Updates (@DreamAcademy_UP) August 29, 2023
Hindi ito ang unang beses na may Pilipinong sumabak sa K-Pop scene.
Noong Hulyo, napabilang sa survival show na “Universe Ticket” sina Gehlee Dangca, Aya Natsume at Elisia.
Aktibo rin sa nasabing industriya ang dating Pinay actress na si Chantal Videla na miyembro ngayon ng K-Pop girl group na Lapillus.
Samantala, ang “The Debut: Dream Academy” ay mapapanood sa YouTube at sa Japanese streaming platform na “Abema” simula September 1, habang ang finale naman ay ipapalabas sa November 18.
Magkakaroon din ng docu-series ang nasabing show at ito ay nakatakdang ilabas sa streaming platform na Netflix sa susunod na taon.
At siyembre, hindi mawawala ang fan voting sa kompetisyon.
Kung gusto niyong manalo ang ating kababayan, pupwede niyo siyang iboto sa pamamagitan ng TikTok at sa community platform na Weverse.
Para sa mga hindi pa masyadong aware, under ng HYBE ang ilang sikat na K-Pop artists katulad ng BTS, NewJeans, Seventeen, LE SSERAFIM, Tomorrow X Together, ENHYPEN, at marami pang iba.
Related Chika:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.