Target ni Tulfo by Mon Tulfo
INIATRAS ng Iglesia ni Cristo ang suporta nito sa administrasyon ni Pangulong Noy dahil diumano’y hindi pagbibigay ng pakiusap ng sekta na ilagay ang ilang miyembro sa puwesto.
Sinulatan ni Eduardo “Ka Eduardo” Manalo ang Pangulo at sinabing ibasura na lang ni P-Noy ang kanyang mga rekomendasyon, ayon sa isang taga-loob.
Sinabi rin ni Ka Eduardo na puwedeng tanggalin ni P-Noy sa puwesto yung mga inilagay na niya dahil sa pakiusap ng INC.
Yun namang mga nailagay na sa puwesto ng INC ay binibigyang kalayaan na bumitiw sa tungkulin sa administrasyon ni P-Noy.
Isa sa mga nailuklok na sa puwesto ay si Magtanggol Gatdula, bagong hirang na director ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ngayon lang nangyari na nagtampo at ipinakita ng INC ang sama ng loob sa pinuno ng bansa.
Magkakaroon ng grave political repercussions ang withdrawal of support ng INC sa administrasyong Aquino.
Pero kung inaakala ni P-Noy na tama ang kanyang ginagawa kahit na walang suporta sa INC, maraming mamamayan ang susuporta sa kanya.
Kailangang bigyang laya ang Pangulo ng bansa na pumili ng mga taong sa tingin niya ay karapat-dapat sa maseselan na puwesto.
* * *
Kung nanindigan si P-Noy sa INC, ay dapat lang manindigan siya sa Simbahang Katolika.
Marami ring mga inuutos ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa gobyerno kung anong dapat gawin.
Takot na takot ang mga nagdaang administrasyon, lalo na yung kay Gloria Macapagal-Arroyo, sa CBCP.
Kung anong hinihingi o iniuutos ng CBCP ay tango lang ng tango si Gloria dahil takot siya na baka mapunta siya sa Impiyerno.
Panahon na upang pabayaan ng Simbahang Katolika ang gobyerno na magdiskarte tungkol sa kapakanan ng bayan.
Wala na tayo sa panahon ng mga Kastila kung saan dinidiktahan ng Simbahan ang gobyerno.
Nasa Saligang Batas natin ang separation of Church and State at dapat igalang ito ng CBCP.
* * *
Yung mga taong natatakot na mapunta sa Impiyerno ay sila mismo ang makasalanan.
Pumupunta sila sa simbahan kada Linggo at taimtim na nagdadasal, pero pagdating nila sa kanilang bahay ay tinatrato nila ang kanilang mga kasambahay na alipin o slaves.
At kung sila’y nasa gobyerno sila pa yung malakas mangurakot.
Kilala ninyo ang mga ito.
* * *
Isang halimbawa ay yung amo ng kasambahay na si Zenaida Latoga, 25 anyos, na tinulungan ng “Isumbong mo kay Tulfo” mga ilang taon na ang nakararaan.
Si Zenaida ay palaboy-laboy sa kalye at di alam kung saan pupunta nang siya’y pinulot ng mga nagmagandang-loob at dinala sa aking tanggapan noon sa DWIZ.
Tumakas si Zenaida sa kanyang amo dahil di na niya matiis ang pananakit sa kanya.
Awang-awa ako sa hitsura ni Zenaida. Naging kalyo na ang kanyang mga peklat sa mukha sanhi ng pambubugbog sa kanya. Mukha siyang isang character sa Planet of the Apes.
Sinabi niya sa akin na kapag siya’y nagkamali sa trabaho ay hinahampas ng amo ang kanyang mukha ng chopping board o sangkalan.
Napansin ko na may kampanilya na nakatali sa kanyang baywang. Sinabi niya na inilagay ng amo niya ang kampanilya upang malaman kung saan siya sa parte ng bahay.
Ipinaaresto noong araw ding yun ng inyong lingkod ang amo ni Latoga na nagtatrabaho sa Mandaluyong City Hall.
Nang nasa investigation room yung amo ay tumawag sa kanyang mga kasamahan sa simbahan at ang mga ito ay dali-daling pumunta.
Nagbigay ang mga ito ng moral support at nag-pray over pa sa kanilang kasamahan na nakakulong.
Ang kanilang dasal? Na ilayo ang amo na malupit sa katulong sa kasamaan.
Susmaryosep! Siya na yung kampon ng kadiliman at siya pa ang ilalayo sa kasamaan?
Bandera, Philippine News and opinion, 080910
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.