John Arcilla sa mga artistang sasabak sa politika: ‘Bakit ka nandyan?’
BAKIT ka sumali sa politika?
‘Yan ang isang tanong ng award-winning actor na si John Arcilla sa mga artista na tatakbo sa election next year.
Sa guest appearance niya kasama ang King of Talk na si Boy Abunda, hiningan ang aktor ng kanyang opinyon kung dapat nga bang makipagsapalaran ang mga celebrities sa politika o manatili na lamang sa napili nilang karera.
Ayon kay John, “Lahat ng tao ay may karapatan na tumakbo sa politika at maging opisyal. Kesyo artista ka o hindi artista. Ang tanong: Bakit ka nandyan at pupunta sa politika? Para ba talaga maglingkod o para yumaman dahil wala kang pinagkakakitaan?”
Magugunita na ilan sa mga artistang sasabak sa 2025 midterm election ay sina Phillip Salvador, Nora Aunor, Marjorie Barretto, at Ara Mina, habang ang ilang entertainment figures ay inaasam ang reelection.
Baka Bet Mo: Luis handa nang sumabak sa politika, suportado ng mga madre’t pari
Nabanggit pa ni John ang famous lines niyang, “Bayan o sarili, pumili ka?” at sabay sabi na sakaling yumaman ang isang pampublikong opisyal habang siya ay nasa pulitika, nangangahulugan ito na hindi niya ginagawa ang kanyang trabaho nang tama.
Ibinunyag din ng batikang aktor na ilang beses na rin daw siyang inaalukan ng pwesto sa lokal na pamahalaan.
“Nakarating ako sa edad na ito na tinanggihan ko lahat ng invitation sa akin. Nakatanggap ako at tatakbo pa nga dapat ako [bilang] konsehal sa Parañaque, na-save ako dun sa crisis na desisyon na ‘yun dahil naawa lang ako dun sa nagpipilit sa akin na congressman na sumama ako,” pag-alala niya.
Kwento niya, “Buti na lang na meron akong program ‘nun sa TV na hindi pala ako pwedeng mag-campaign na habang ako ay nasa telebisyon. Eh na-tape na ‘yun, hindi na pwedeng burahin ‘yung mga eksena ko at pagbinura ‘yun sira ‘yung buong kwento so I was saved by that particular incident in my life.”
“So I was so thankful kasi talagang ayoko, ayoko ng politika,” giit niya.
Aniya pa, “Nakarating ako sa edad na ito na napanindigan ko ‘yan at kung ako man ay magkaka-interes sa politika ngayon, wala na akong stamina sa edad kong ito.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.