Jennylyn nahihirapang ibalik ang dating katawan, laging tanong kay Dennis: ‘Baby, malaki ba ‘ko? Ang taba ko pa rin ba?’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Jennylyn Mercado
MATINDING challenge ang hinarap ng Kapuso Ultimate Star na si Jennylyn Mercado pagdating sa pagpapapayat pagkatapos ipanganak ang panganay nila ni Dennis Trillo na si Baby Dylan.
Isa raw sa pinakamahirap na gawin after giving birth ay ang maibalik ang kanyang dating katawan na medyo lumobo simula nang mabuntis hanggang sa manganak.
Super thankful nga raw siya sa kanyang husband na si Dennis Trillo, dahil all-out pa rin ang suporta nito sa kanya lalo na sa kanyang pagsabak sa balik-alindog program.
Sa panayam ng “Updated with Nelson Canlas” podcast, inamin ni Jen na marami talagang naging changes sa kanyang katawan noong mabuntis siya hanggang sa maisilang si Dylan.
Sabi ng Kapuso star, nahihirapan siyang ibalik ang dati niyang katawan, “Mahirap nu’ng una kasi ceasarian ako, C-section, so mahirap din bumalik sa work-out kasi natatakot ka pa, may incision.
“After a month kong manganak, nag-pilates kaagad ako pero walang core workout for hanggang five months. Tapos dire-diretso na ‘yun,” lahad pa ng Jennlyn na muling mapapanood sa upcoming Kapuso series na “Love. Die. Repeat”.
Ibinalita rin ng aktres na kamakailan lamang ay bumalik na rin siya sa pagte-training sa triathlon na isa sa mga malaking tulong sa pagpapapayat niya.
Aniya pa, very supportive ang kanyang asawang si Dennis sa mga ginagawa niya ngayon para muling maging fit and healthy.
Aminado rin siya na noong muli niyang tingnan ang pregnant photos niya noon ay talagang shookt siya sa paglobo ng kanyang katawan habang ipinagbubuntis si Baby Dylan.
“Tinatanong ko sa kanya (Dennis), ‘Baby, malaki ba ‘ko? Ang taba ko pa rin ba?’ ‘Hindi’,’ laging ‘Hindi.’ ‘Tapos, nu’ng nakita ko ‘yung mga picture ko, ‘Hindi mo sinasabi ‘yung totoo,’” sey pa ni Jen.
Nag-explain naman daw si Jennylyn kung bakit ganu’n ang mga sagot ni Dennis sa kanya, “Sabi niya, ‘Hindi, kasi, deserve mo naman na kumain, deserve mo na kainin lahat ng gusto mo, masunod lahat ng gusto mo, magpahinga ka, kumain ng husto.
“Kailangang maka-recover ‘yung katawan mo at maibalik lahat ng nutrients kasi hindi biro ‘yung pinagdaanan mo,’” sabi pa raw ni Dennis kay Jen.
Maayos at very smooth din daw ang agreement nila pagdating sa pag-aalaga kay Dylan, “Kapag may work si Dennis, kailangan ako ‘yung nasa bahay. Kapag may work naman ako, si Dennis naman ‘yung nasa bahay. Hindi puwedeng naiiwan si Dylan mag-isa.”
Kinumpirma rin ni Jen na hindi pa sila maaaring magsama sa isang project habang batang-bata pa ang anak nila.
“Si Dylan, naghahanap talaga. Kailangan niya sa mama, kailangan niya si papa, ‘yung kahit isa lang sa kanila nandiyan. Tapos pag natutulog kasi sa gabi, sa amin talaga. Meron siyang room pero mas pinili namin na katabi na lang,” aniya pa.