Cristy sa pagtawag ni Rendon kay Ion ng palamunin: ‘Wala kang pakialam sumuka man siya sa kabusugan, tumabi-tabi ka d’yan!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Cristy Fermin, Vice Ganda, Ion Perez at Rendon Labador
IPINAGTANGGOL ng veteran showbiz columnist at online host na si Cristy Fermin si Ion Perez laban sa isang social media personality na tinawag niyang “Tamulmol.”
Walang binanggit na pangalan si Nanay Cristy sa kanyang mga naging pahayag pero very obvious naman na ang tinutukoy niya ay ang self-proclaimed motivational speaker na si Rendon Labador.
Sa kanyang “Showbiz Now Na” YouTube channel matapang at maaanghang ang pinakawalang salita ng TV and radio host laban kay “Tamulmol”.
Sey ni Nanay Cristy, talagang hindi tama ang pinagsasabi at panghahamak ni Rendon sa pagkatao ni Ion, lalo na nang tawagin nito ang partner ni Vice ng “palamunin” at “kumapit da bakla.”
Unang-una raw, walang pakialam si Rendon kung anong gawin ni Ion sa buhay niya ay kung saan at paanong paraan ito kumakain dahil hindi naman daw sa kanya nanggagaling ang nilalamon nito.
“Ako talaga, nu’ng sabihin ng vlogger na ito na si Tamulmol, Tamulmol po ang tawag namin sa kanya, nu’ng sabihin po niya na aanhin mo ang abs kung palamon ka naman ng bakla, nag-iisa po ako ‘nun.
“Alam n’yo po na tinutuligsa ko si Vice Ganda, tinutuligsa ko si Ion Perez pero nu’ng mabasa ko po ‘yung sinabi ng vlogger na ‘yun, sobrang lungkot po ng puso ko.
“Na para po sa akin, pinakamababa na po na paglalarawan ng isang tao ang tawagin kang palamon na parang wala ka nang ginawang maganda sa bukay mo,” simulang pagtatanggol ni Nanay Cristy kat Ion.
Pagpapatuloy pa niya, “At kung wala, yung bakla na tinutukoy na nagpapalamon sa ‘yo hindi ka na kakain? Nalungkot talaga ako du’n. Ayokong-ayoko ‘yung ganu’n.”
Ang punto pa niya, “Ipagpalagay na, na si Ion Perez ay pakainin ng kaban-kabang bigas na iniluto nitong si Vice ganda. Inani man natin ang bigas dito sa Pilipinas, o inimporta sa iba-ibang bansa.
“Walang pakialam ang vlogger na ito at kahit sino dahil ang ginagawa na pagpapasaya ni Vice Ganda kay Ion Perez, ay bilang balik sa pagmamahal na ibinibigay sa kanya ni Ion,” dugtong pa ni Nanay Cristy.
Payo pa niya kay Rendon, “Ang puso ng Tamulmol na ‘to wala pang direksyon. Dapat pagalingin muna niya ang kanyang nararamdaman bago siya makapagsalita ng tama. Isipin mo nga isang tao.
“Ni hindi mo nga pinakain ng isang butil na bigas, tinawag mo nang palamunin. Isang tao na kumakain sa anumang paraan na alam niya na hindi ka naapektuhan kung yang bigas mo na kung tawagin mo ay…motivational rice.
“Anong motibasyon du’n? Na sa iba nanggagaling ang pagkain nu’ng tao? Na inaano mo siya, masyado mo siyang minamaliit.
“Wala kang pakialam, sumuka man sa kabusugan si Ion Perez, tumabi-tabi ka diyan. ‘Wag kang makialam. At kung anuman ang kulang sa buhay mo, punuan mo. Gumawa ka ng paraan para mapuno. Palibhasa kulang ka sa pagmamahal,” ang hirit pang pahayag ni Nanay Cristy.