PATULOY pa rin ang pagkalampag ni Rendon Labador sa Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ukol sa mga diumano’y “malalaswang” ipinapakita ng mga hosts ng iba’t-ibang noontime shows sa bansa.
Matapos ang pagsita sa ginawang pagkain ng icing nina Ion at Vice Ganda sa “It’s Showtime”, ang “lambingan” naman nina Helen Gamboa at dating senador Tito Sotto ang pinuna ng motivational speaker.
“TATAY MO O KAPAKANAN NG PILIPINAS??? MTRCB Chair Lala Sotto!!! Kaya mo din bang ipatawag ang tatay mo para i-tama ang mali? TVJ akala ko ba wholesome kayo? Ano ba nangyayari sa mga noontime shows natin ngayon at puro na kabastusan??? Noong 2016 pinatawag ka ng MTRCB, Hindi ka pa rin natuto,” saad ni Rendon.
Nang hingiin ng Bandera ang pahayag ng MTRCB chairperson Lala Sotto ay sinabi nitong, “Hello tita (Pilar) naman 44 yrs na sila ganyan sa Eat Bulaga never naman nagka-issue.”
Samantala, umani naman ng samu’t saring komento mula sa netizens ang naturang pahayag ni Rendon.
“Tama ka idol okay lang sana kong simpleng halik lang ‘yon kaso mukhang hindi eh,” saad ng isang netizen.
Paniniwala naman ng isa, “Ano naman eh mag-asawa naman ‘yan at matanda na sila sweet ngang tignan eh.”
“Agree ako sayo rendon! Hindi pwede sila Vice lang sinisita mo dapat sila Din Hahaha,” sey naman ng isa.
Muli namang nagsalita ang motivational speaker at kinuwestiyon ang paraan ng pamamalakad ni Lala sa MTRCB.
“TATAY O PILIPINAS??? Ano ang pipiliin ni madam MTRCB Chair Lala Sotto? Paano kaya ang leadership niya? May aksyon kaya siyang gagawin sa sarili niyang tatay o #IwanPamilya muna?” ani Rendon.
Matatandaang sa nagdaang selebrasyon ng National Dabarkads Day o ang ika-44th anniversary ng “Eat Bulaga” ay naging special guests ang asawa nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon na siyang nagsilbing mga hosts sa segment nitong “Babala: Huwag Ganu’n”.
At dahil nga “14344” o “I love you 44” ay ipinakita ng mga mag-asawa ang kanilang pagmamahalan kaya naman nag-kiss ang nga ito on national TV.
Ngunit ang ipinupunto ni Rendon ay “kabastusan” ang paghalik o ang pabirong lambingan ng mag-asawang Helen at Tito dahil napapanood sila ng mga kabataan sa telebisyon.
Related Chika:
Helen Gamboa kilig na kilig pa rin kay Tito Sen: I’m proud to say na hanggang ngayon nililigawan pa rin niya ako
Lala Sotto pinangarap ding mag-artista noon, may natanggap na mga offer…pero anyare?