Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Petron vs.
SanMig Coffee
NAIPAMIGAY na ang Leo Awards at wala na ang ibang nakaiistorbo sa isipan ng mga manlalaro. Kaya naman todo na ang konsentrasyon ng SanMig Coffee at Petron Blaze sa kanilang misyong mapanalunan ang huling kampeonato ng 38th season ng PBA.
Kapwa gigil ang Mixers at Boosters na papasok sa Game Five ng PLDT Telpad PBA Governors Cup best-of-seven championship series mamayang alas-4:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Tabla ang serye, 2-all, at ang magwawagi mamaya ay magkakaroon ng pagkakataong maiuwi ang korona sa Miyerkules. Hangad ng Mixers ang ika-10 titulo samantalang nakatuon ang pansin ng Boosters sa ika-20 nilang kampeonato.
Lumamang ng 28 puntos ang SanMig sa first half ng Game Four subalit nagkadikdikan sa dulo at nanaig ang Mixers, 88-86, upang maitabla ang serye.
Ang Petron ay nanalo sa Game One (100-84) at Game Three (90-68). Nagwagi naman ang SanMig Coffee sa Game Two (100-93).
Tulad ng nangyari sa unang tatlong laro ng serye, ang koponang makaarangkada kaagad ay nagwawagi. Sa Game Four ay kinuha ng SanMig Coffee ang first quarter, 33-15, bago nagposte ng 28 puntos na abante, 49-21.
Pero nakahabol ang Boosters at lumamang, 73-71. Huling nagtabla ang score sa 83-all bago nagkaroon ng dalawang errors si Arwind Santos na siyang nahirang na Most Valuable Player ng season.
Bunga nito ay na-katakas ang Mixers at nagwagi. “That’s how deep that team is,” ani SanMig coach Tim Cone patungkol sa pagbangon ng Petron sa 28 puntos na abante ng Mixers. “We have to do a better job.”
Hangad ni Cone na mapanalunan ang ika-15 kampeonato niya upang maging winningest coach sa PBA. Ang Petron Blaze ay pinangunahan ng import na si Elijah Millsap na gumawa ng game-high 33 puntos.
Sa kabilang dako ay nagbida naman para sa SanMig Coffee ang mga guwardiyang sina Mark Barroca, Peter June Simon at Alex Mallari.
Umaasa si Petron coach Gelacio Abanilla II na sina Millsap at Santos ay masusuportahan ng mabuti nina Marcio Lassiter, Chris Lutz, June Mar Fajardo at Doug Kramer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.