Mga pelikulang ‘Barbie’, ‘Oppenheimer’ umarangkada na sa mga sinehan
DALAWANG inaabangang Hollywood films ang mapapanood na sa mga lokal na sinehan!
Una na riyan ang live-action film na “Barbie” na swak na swak sa mga gusto ng panibagong adventure.
Ang bida at gaganap bilang iconic fashion doll ay walang iba kundi ang Oscar-nominee actress na si Margot Robbie, habang ang katambal niya riyan bilang “Ken” ay si Ryan Gosling.
Ang kwento ng live-action film ay iikot sa “women empowerment,” pati na rin sa mga pagsubok na pinagdaanan ni Barbie upang harapin ang bagong mundo na kanyang napuntahan, ang “Real World.”
Bukod kina Margot at Ryan, tampok din sina Simu Liu, America Ferrera, Will Ferrell, Kate McKinnon, Dua Lipa, at Issa Rae, at marami pang iba.
Matatandaang muntikan nang hindi payagang ipalabas sa ating bansa ang nasabing pelikula dahil sa kontrobersyal na “nine-dash line.”
Ngunit matapos ang deliberasyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ay pinayagan din ito sa mga lokal na sinehan.
Ayon pa sa ahensya, ang naturang mapa raw ay nagpapakita ng ruta ni Barbie galing “Barbie Land” papuntang “Real World” na isang mahalagang parte ng istorya.
Baka Bet Mo: Timothée Chalamet bibida sa prequel film na ‘Wonka’, tampok din si Rowan Atkinson
Samantala, kung ikaw naman ay mahilig sa mga kwento na hango sa tunay na buhay, mukhang magugustuhan niyo ang biopic film na may titulong “Oppenheimer.”
Tungkol ‘yan sa tinaguriang “Father of Atomic Bomb” noong World War II na si J. Robert Oppenheimer, ang American theoretical physicist.
Ang kwento rin ng nasabing pelikula ay base sa award-winning book na “American Prometheus: The Triumph and Tragedy of J. Robert Oppenheimer” na isinulat nina Kai Bird at yumaong Martin J. Sherwin.
Bigating mga Hollywood stars ang tampok sa “Oppenheimer” katulad nina Cillian Murphy, Emily Blunt, Matt Damon at Robert Downey, Jr.
Tatlong oras ang pelikula, pero sulit na sulit ito dahil bukod sa masasaksihan ang makasaysayang pangyayari ay makatayong balahibo rin ang mga video at sound effects na makikita.
Related Chika:
Cillian Murphy, Emily Blunt, Matt Damon, Robert Downey, Jr. tampok sa pelikulang ‘Oppenheimer’
Melanie Marquez all-out support kay Michelle Dee sa Miss Universe PH: I am your number 1 avid fan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.