Barriga wagi sa AIBA World opening bout
NAGPAKITANG-GILAS agad si London Olympian Mark Anthony Barriga matapos dominahin si 2011 Southeast Asian Games silver medalist Ngoc Tan Huynh sa kanyang opening bout sa AIBA World Boxing Championships sa Almaty, Kazakhstan nitong Miyerkules.
Nakakuha si Barriga ng unanimous decision mula sa tatlong hurado na nagkaloob sa kanya ng magkakaparehong 30-27 iskor sa scorecards para ipagkaloob sa PLDT-ABAP national team ang ikalawang panalo sa tatlong laban sa torneo.
Nauna nang nagwagi si flyweight Roldan Boncales sa kanyang opening day match laban kay Beijing Olympian Eddie Barillas ng Guatemala noong Lunes.
Bagamat mas malaki ng tatlong pulgada ang katunggali, hindi nagpadaig si Barriga matapos makaiskor mula sa mga matitinding counter punches at solidong left straights laban sa Vietnamese boxer.
Ginamit din ng 20-anyos na tubong-Panabo City at two-time gold medalist sa Sydney Jackson tournament sa Tashkent, Uzbekistan ang kanyang bilis at footwork para balewalain ang reach advantage ni Ngoc.
Mas mabigat naman ang kalaban ni Barriga sa susunod na round na si Yosvani Veitia Soto ng Cuba. Si Soto ang number five seed sa torneo.
Ang 21-anyos na Cuban champion ay natalo kay light flyweight Zuo Shiming ng China noong London Olympics subalit marami naman ang naniniwala na nadaya ito sa naturang laban.
Si Soto ay isang beteranong boksingero dahil nakapaglaro na ito sa World Series of Boxing at nagwagi sa mga torneong ginanap sa Kazakhstan, Bulgaria, Mexico at iba pang bansa.
“Ok lang iyon,” sabi ni Barriga. “Pareho lang naman kami nag-ensayo at nakita ko na naman ang laro niya. Paghahandaan ko na lang siya nang mabuti. Kondisyon din naman tayo.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.