Miss Universe Philippines hindi lang isa, kundi dalawa ang bagong pageant logos
INILABAS ng Miss Universe Philippines (MUPH) Organization ang isang bagong logo, at sinabi ni National Director Shamcey Supsup-Lee na isa lang ang lumabas sa Facebook page ng patimpalak sa dalawang bagong sagisag na gagamitin magmula ngayon.
Dati, makikita ang silhouette ng isang babae na ginagamit din ng pandaigdigang Miss Universe Organization (MUO). Makikita naman sa una sa dalawang bagong logo ang isang kabibe na may malaking perlas sa harapan nito, habang nasa itaas ang araw na may walong sinag. May tig-tatlong tala naman sa magkabilang gilid. Ito ang ipinalit na profile picture sa MUPH Facebook page noong Hunyo 23.
“The logo symbolizes a fresh and dynamic approach, featuring an element inspired by the Jewelmer crown,” sinabi ni Lee sa isang online interview ng Inquirer. Jewelmer ang lumikha ng koronang ‘La Mer En Majeste” na unang ginamit sa 2022 Miss Universe Philippines pageant, ang ikatlong edisyon ng pambansang patimpalak.
Ibinunyag din ng national director sa Inquirer, “we will also be launching another logo featuring the silhouette of our current winner, Michelle Dee. So watch out for that as well.” Nagpadala rin siya sa Inquirer ng eksklusibong kopya ng panagalawang logo na ilalabas kalaunan.
Unang isinapubliko ang bagong clamshell logo sa paglulunsad ng Miss Universe Philippines-Leyte organization, ang accredited partner ng pambansang patimpalak sa lalawigan. Isinagawa ang programa ilang araw bago binago ng MUPH ang Facebook profile picture nito.
Kinumpirma ni Lee na doon nga unang nakita ng publiko ang bagong logo, at “humabol” lang ang MUPH social media. “The unveiling of the new logo for [MUPH] represents our preparation for the upcoming launch of our merchandise line,” aniya.
Sinabi rin iyang ginagamit na ang dalawang logo sa gumugulong na kolaborasyon ng MUPH para sa mga pordukto at paninda, na sabay-sabay ilulunsad malapit na. “The logos are interchangeable, pero we have products kasi na for men/unisex, so parang mas bagay iyong clamshell. Para ’di lang girls and girls-at-heart ang maging market namin,” ipinaliwanag niya.
Ngunit hindi lang para sa mga produkto ang kasalukuyang pinagkakaabalahan ng MUPH. Mayroon din itong accredited partnerships program na naglalayong makalikom ng mga kandidata para sa mga susunod na edisyon ng pambansang patimpalak. Una ngang nailunsad ang sa Leyte, para sa magiging kinatawan ng lalawigan sa 2024 Miss Universe Philippines pageant.
Lumabas din ng bansa ang programang ito sa pamamagitan ng Miss Filipina International pageant sa Estados Unidos, kung saan tinitipon ang mga babaeng may lahing Pilipino mula sa iba’t ibang bansa. Sinabi ng organizer sa US na tatlong dilag ang ipapadala nito sa Miss Universe Philippines pageant, habang dalawang iba pang kandidata ang lalaban sa The Miss Philippines competition kung saan pipiliin ang mga magiging kinatawan sa Miss Supranational at Miss Charm contests. Empire Philippines ang nagsasagawa sa daalwang pambansang patimpalak.
Isa sa mga opisyal na kandidata ng 2023 Miss Filipina International pageant ang beteranang si Beatriz McLelland, na nakasalang na sa ilang mga pambansa at pndaigdigang patimpalak. Kinoronahan siyang Miss Teen International Philippines noong 2019, at kalaunan ay nasungkit ang korona bilang Miss Teen Intercontinental sa India. Noong 2022, tinanggap niya ang titulong Miss Eco Teen Philippines sa Miss World Philippines pageant, at ibinanderaang bansa sa Miss Eco Teen International competition sa Egypt kung saan siya hinirang bilang first runner-up.
Related Chika:
Katrina Dimaranan umaming nasaktan, may ni-reveal sa MUPh journey: It has tested me, challenged me…
Kapuso star Michelle Dee waging Miss Universe Philippines 2023
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.