Vice Ganda: ‘Ang GMA ay Pilipinong-Pilipino na parang mga kapitbahay at handang mag-alay ng bayanihan’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Vice Ganda
“PINOY na Pinoy!” Ganyan inilarawan ng Unkabogable Star na si Vice Ganda ang naganap na bonggang collaboration sa pagitan ng ABS-CBN at GMA 7.
Kahapon nangyari ang historic contract-signing sa pagitan ng dalawang network para sa pagpapalabas ng Kapamilya noontime program na “It’s Showtime” sa GTV channel na pag-aari ng GMA Network.
Simula nga sa July 1 ay mapapanood na rin sa GTV ang nasabing programa na makakatapat pa rin ng “Eat Bulaga” sa GMA 7 at ng bagong show nina Tito, Vic & Joey sa TV5 na magsisimula rin sa nasabing petsa.
Sa naganap na contract-signing, present si ABS-CBN chairman Mark Lopez, president and CEO Carlo Katigbak, at chief operating officer for Broadcast Cory Vidanes, at sina GMA Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon, president and COO Gilberto Duavit, Jr., senior vice president for programming Annette Gozon-Valdes, and executive vice president and chief finance officer Felipe Yalong.
Bukod kay Vice Ganda, naroon din sa event sina Anne Curtis, Jhong Hilario, Ogie Alcasid, Amy Perez, Ryan Bang, Kim Chiu, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ion Perez, MC, Lassy, at Jackie Gonzaga.
“Pilipinong-Pilipino ang nagaganap ngayon. Ang ‘Showtime’ ay parang kumakatawan sa lahat ng pamilyang Pilipino,” ang pagsisimula ni Vice sa kanyang speech.
“Yung pamilyang Pilipino na lahat na yata ng kaganapan sa buhay ay dinanas. ‘Yung pangkaraniwang Pilipino na lahat na yata ng bagyo ay hinarap.
“Lahat na yata ng baha ay naranasan. Lahat na ata ng klase ng problema sa pamilya ay naranasan.
“Pero patuloy pa rin tumatayo dahil sa pagmamahal na nararamdaman nila sa mga kasama nila sa bahay,” lahad ng TV host-comedian.
Saad pa niya, “At ‘yung ABS-CBN naman ay kumakatawan sa lahat ng mga magulang ng bahay, ‘yung kahit anong kaharapin nung mga anak niya, kahit anong danasin ng bahay niya, ng pamilya niya, ‘yung mga magulang na kahit anong hirap, hinding-hindi titigil sa paghanap ng paraan para maitaguyod ang pamilyang ito.”
Inihalintulad naman niya ang GMA sa mga kapitbahay na handang tumulong sa oras ng pangangailangan.
“Ang GMA naman ay Pilipinong-Pilipino na parang mga kapitbahay na sa panahon ng pangangailangan ay handang mag-alay ng bayanihan sa nangangailangan nilang kapwang Pilipino.
“Hindi ko makita kung saan ito mapupunta, kung anong kahihinatnan ng araw na ito.
“Pero alam ko na ang pangyayaring ito ay magiging susi at simula ng napakaraming magaganda pang susunod na mangyayari,” ang pahayag pa ni Vice sa ulat ng ABS-CBN.