Ogie hindi sumabay kay Regine patungong Qatar para sa historic contract signing ng ‘Showtime’ sa GTV; Jhong inalala ang pagiging Kapuso
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ion Perez, Amy Perez, Jhong Hilario, Ryan Bang at Ogie Alcasid
PINAUNA na ni Ogie Alcasid ang asawang si Regine Velasquez patungong Qatar upang makasama sa historic contract signing kahapon para sa pagpapalabas ng “It’s Showtime” sa GTV channel na pag-aari ng GMA Network.
Sabi ng Ultimate Singer-Songwriter, hindi niya maaaring mapalampas ang makasaysayang pangyayaring ito, lalo na ang oportunidad na makita niya uli ang mga dating boss sa Kapuso Network.
“Real talk lang po, true story, I was not supposed to be here today because we have a concert in Qatar with my wife. She flew ahead of me and I rebooked for tomorrow, but I really wanted to be here today for many reasons,” sabi ng “Showtime” host nang mahingan siya ng speech pagkatapos ng contract signing.
“Gustung-gusto ko pong makita ‘yung mga dati kong boss. I really wanted to see you again, so refreshing to see you. It was really nice to see you,” aniya pa.
At siyempre, nais din ni Ogie na makasama ang mga bossing nila sa ABS-CBN sa pakikipag-collab ng mga ito sa GMA 7 para mas maging malawak pa ang panonood ng madlang pipol.
“Sila po ang laging nakikipaglaban para sa lahat ng mga Kapamilya, para sa amin, sa mga talent, at sa lahat ng mga binanggit ni Vice (Ganda) kanina, ‘yung madlang pipol na sumasabay sa ‘ming lahat saan man kami mapunta.
“I’m sure narinig niyo na ‘yung kasabihan na, ‘maliit lang naman ang industriya natin, nagkikita-kita lang din naman tayo’, and today proves that,” sabi pa ng hubby ni Regine.
“I think, I believe that more because talagang maliit ang mundo natin sapagkat may mga taong malalaki ang mga puso tulad po ninyo na nag-welcome po sa amin.
“Sa atin pong mga Kapuso, maraming salamat sa pag-welcome sa aming mga Kapamilya. God bless us all, thank you very much,” mensahe pa ni Ogie.
Samantala, nagbalik-tanaw din ang isa pang host ng “Showtime” na si Jhong Hilario sa kanyang showbiz career at inalala kung gaano kahalaga sa kanya ang GMA at ABS-CBN.
“Bago magkaroon ng Sample King, may Streetboys muna na nagge-guesting sa GMA before sa mga shows. And dahil may Jhong Hilario sa acting, ang GMA Films din po ang nag-build din sa akin sa pag-acting, nandiyan ‘yung ‘Pusod ng Dagat,’ ‘Jose Rizal,’ at ‘Muro-ami.’
“Maraming salamat po sa pagpapatuloy sa amin sa inyong tahanan. Wala po kaming ibang gustong sabihin kundi maraming salamat dahil hindi lang po ang ‘It’s Showtime’ family ang inyong pinatuloy sa inyong tahanan, hindi lang po ang ‘It’s Showtime’ staff, crew, kundi ang napakaraming taong sumusubaybay sa ‘It’s Showtime’ pinatuloy ninyo sa inyong tahanan. Maraming, maraming salamat and God bless you more po,” pahayag ni Jhong.
“Sa ‘Showtime’ lagi po akong may mga binibitawang mga quotes eh kapag meron tayong mga contestants. Tapos meron akong isang quote na hindi ko mabitawan ko, sabi ko bakit ganu’n, parang wala akong makuha, parang wala sa timing.
“Ito po ‘yung pagkakataon na masabi ko po ito dahil ang sarap sa tainga, sa pakiramdam, ‘yung sinabi ni Sir Felipe Gozon na wala na pong network war, nanaig ang puso. Ito po ang quote para sa mga bosses natin — ‘A great man is always willing to be little.’ Maraming salamat po sa inyo,” aniya pa.