International runners-up makakabangga ni Herlene Budol sa 2023 Miss Grand Philippines pageant
MARAMI ang nagsasabing tiyak nang makokoronahan ang komedyanteng si Herlene Nicole Budol sa 2023 Miss Grand Philippines, ngunit hindi siya dapat makampante sapagkat mahigpit na laban ang nakaamba sa kanya mula sa malalakas na katunggaling nagtagumpay na sa pandaigdigang entablado.
Nagtapos si Budol bilang first runner-up sa 2022 Binibining Pilipinas pageant, at ngayon nga ay muling nagtatangkang makasungkit na isang pambansang titulo sa patimpalak na pipili sa magiging kinawatan ng bansa sa 2023 Miss Grand International pageant sa Vietnam ngayong taon.
“Base po sa experience ko last year noong nanalo ako, hindi po iyong crown ang napanalunan ko, kundi iyong respeto po ng tao. Dati tinatawag lang akong ‘hoy Hipon kumusta?’ Ngayon po tinatawag na akong ‘Ms. Herlene, Ms. Nicole.’
“Grabe po iyong respeto, grabe po iyong pag-angat ng confidence ko bilang ako. Nadagdagan po ang pagkatao ko dahil sa pagsali ko,” inilahad niya sa press presentation ng 30 kandidata sa Crown Plaza Manila Galleria sa Quezon City noong Hunyo 20.
View this post on Instagram
Ngunit nahaharap sa matinding banta ang pag-asinta niya sa korona mula sa hindi lang isa, kundi tatlong matitinding katunggali na ibinandera na ang Pilipinas sa ibayong-dagat—sina Michelle Arceo, Shanon Tampon, at Nikki De Moura.
Beterana na si Arceo ng mga pambansa at pandaigdigang patimpalak na dalawang ulit nang sumali sa Miss World Philippines pageant na inorganisa ng pangkat na nasa likod din ng Miss Grand Philippines contest.
Hinirang siyang 2021 Miss Environment Philippines, at kalaunan ay kinatawan ang Pilipinas sa 2022 Miss Environment International sa India kung saan siya nagtapos sa ikalawang puwesto at tinanggap ang titulong Miss Ecosystem.
“I’m hungry for it. I’ve been in pageantry for seven years now and I’ve been so close to attaining an international title. And I also feel I just really resonate with Miss Grand, it’s something I can really speak more about like myself and my advocacy which is violence against women. So I really resonate with those aspects,” ibinahagi niya.
Kinoronahan naman si Tampon bilang 2019 Miss Caloocan, ngunit nakasali na rin siya sa 2018 Mutya ng Pilipinas at 2021 Binibining Pilipinas pageant. Semifinalist din siya sa 2019 Miss Philippines Earth pageant. Kalaunan, kinatawan niya ang bansa sa 2022 Miss Elite pageant sa Egypt kung saan siya hinirang bilang first runner-up.
Baka Bet Mo: Hugot ni Herlene Budol sa pagsali sa Bb. Pilipinas: Hindi porke’t galing ka sa ilalim hindi ka na makakabangon
“I’ve always wanted to have the golden crown, ever since I started joining pageants. So now I’m trying to fulfil my dreams, that’s why I’m here in Miss Grand Philippines,” aniya.
Dapat ding bantayan ni Budol ang 19-taong-gulang na si Nikki De Moura, na sa gulang na 15 taon ay tinalo ang mas nakatatandang katunggali upang makoronahang 2019 Miss Teen Philippines.
Noong 2021, sa gulang na 17 taon, dinaig niya ang mga beteranang modelo sa Asia-wide reality competition na “Supermodel Me: Revolution” at nagtapos bilang first runner-up.
“I think that coming from a modeling competition, where I was more allowed to express myself in a fashion and creative way, being in a pageant allows me to just express myself and release this inner beauty and intelligence and talent. So I’m very excited,” aniya.
View this post on Instagram
Ito ang pangalawang Miss Grand Philippines pageant na inorganisa upang piliin ang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Grand International competition.
Makaraang maging third runner-up sa unang edisyon ng pandaigdigang patimpalak noong 2013 si 2012 Bb. Pilipinas second runner-up Ali Forbes, itinanghal ng handler niya, ang yumaong si John de la Vega, ang 2014 Miss Grand Philippines contest kung saan kinoronahan si Kimberly Karlsson.
Mula 2015 hanggang 2022, Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ang humawak sa pambansang lisensya ng Miss Grand International pageant.
Ibinahagi ni Vegafria ang pagkuha niya sa prangkisa noong Nobyembre, at pinapunta pa sa bansa ang reigning queen na si Isabella Menin kasama ang buong Top 10.
Magtatapos ang 2023 Miss Grand Philippines pageant sa isang final competition na itatanghal sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Hulyo 13.
Kokoronahan din sa palatuntunan ang magiging kinatawan ng bansa sa 2023 Reina Hispanoamericana contest na idaraos sa Bolivia ngayong taon.
Herlene Budol ayaw nang sumali sa kahit anong beauty pageant?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.