Judy Ann hindi pinangarap sumikat nang bonggang-bongga: ‘Gusto ko lang bumili ng rubber shoes at magkaroon ng bank account’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos
NEVER na-imagine o pinangarap ng Soap Opera Queen na si Judy Ann Santos ang sumikat nang bonggang-bongga sa mundo ng showbiz.
Sa katunayan, aksidente lamang ang pag-aartista niya na nagsimula sa pagsama-sama niya sa kanyang nakatatandang kapatid na si Jeffrey Santos.
Naikuwento ni Juday ang tungkol dito sa ika-100 episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” ng GMA 7 kung saan binalikan nga niya ang pagsisimula ng kanyang showbiz career.
Sa chikahan nina Juday at Tito Boy, napag-usapan nila ang pagse-celebrate ng aktres sa kanyang 37th anniversary sa entertainment industry. Sa mga hindi pa masyadong aware, nagsimulang mag-showbiz ang aktres sa edad na 8.
“It all started with commercials. Si Kuya (Jeffrey) naman talaga ‘yung talagang kinukuha, sumasabit lang ako. Siya talaga ‘yung kinuha ng Regal Films and ako mahilig akong sumama sa kanya,” chika ng wifey ni Ryan Agoncillo.
Aniya, hindi raw talaga pumasok sa isip niya ang sumikat at magkaroon ng mga acting awards noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz, “Wala, I just wanted to buy a Mighty Kid rubber shoes.
“Gusto ko lang bumili ng rubber shoes, magkaroon ng bank account. Totoo Tito Boy gusto kong makita ang sarili ko sa TV pero hindi nakaplano ever ‘yung maging sikat.
“Hindi ko talaga inisip or pinangarap na gusto kong maging sikat na sikat na artista,” aniya pa.
Kuwento pa ni Juday, noong nakapasok na siya sa showbiz ang sumunod na pinangarap niya ay ang makapagpundar ng sariling house and lot at bagong kotse.
“Gusto kong makabili ng bahay, gusto kong makabili ng sasakyan, at gusto kong makapag-aral. ‘Yun lang ang alam kong gusto ko,” sabi pa ni Judy Ann.
Habang tumatagal daw ay nai-in love na siya sa kanyang propesyong kaya naman nagtuluy-tuloy na ang pagsabak niya sa pelikula hanggang sa mabigyan na siya ng sariling teleserye.
“Siguro kaya ako nag dire-diretso kasi nag-eenjoy ako sa ginagawa ko, sa experiences ko. Marami akong taong nakikilala,” aniya pa.
Pero ang talagang naging daan para makilala at ma-appreciate ng mga manonood ang kanyang versatility as an actress ay nang magbida siya sa ABS-CBN drama series na “Mara Clara” kung saan nakasama niya ang kanyang BFF na si Gladys Reyes.
Sey pa ni Judy Ann, nang gawan ng movie version ang “Mara Clara” ay nagsunud-sunod na ang pagdating ng iba pa niyang proyekto.
“Dumating ako sa point Tito Boy that I was doing 3 movies in 1 year, and 2 shows in 1 year,” sabi pa ng premyadong aktres.
Sa tanong ni Tito Boy kung ano ang sikreto sa likod ng kanyang tagumpay at pananatili sa showbiz industry sa loob ng 37 years, “Paano ko name-maintain ‘yung pagiging grounded? Sadyang pinalaki kaming ganito.
“Laging sinasabi ng mommy ko, ‘Anak sa tinatahak mo ngayon, huwag mong kakalimutan na lahat ng taong nakakasama mo, sila rin ‘yung makakasalubong mo pabalik. So, huwag na huwag mong kalilimutan ‘yung pinanggalingan mo,’” aniya pa.
Dagdag pa ni Juday, “Yung gratefulness kasi Tito Boy malaking factor talaga sa akin ‘yun. ‘Yung gratitude, mag-hi lang ako sa mga tao. Alam kong with a simple ‘Hi’ and a simple smile, naha-happy ako, kailangan ko siyang ibalik,” sey pa ng aktres.