Tito Sotto nangakong itutuloy ang ‘Eat Bulaga’ online: Target po namin umabot ng 50 years!
TINIYAK ng isa sa mga OG hosts ng “Eat Bulaga” na si Tito Sotto na patuloy pa rin masusubaybayan ang longest running noontime show sa buong mundo.
Ayon sa kanyang panayam sa radio station na DWIZ, sa online mapapanood ang programa dahil ang nagmamay-ari naman ng Facebook account ng nasabing show ay ang kanilang head writers.
“Ang may-ari ng FB Live ng Eat Bulaga is yung head writers namin, tao namin. Hindi nakapangalan sa TAPE yun,” giit ni Tito sen.
Chika pa niya, “Ang alam ko nga, parang tinatakot ng abogado; sinulatan ata kahapon yung isa sa mga head writers, hinihingi yung mga password. Again, pati abogado nila hindi alam ‘yung storya.”
“Ang ruling ng internet, kung sino ang nakapag-rehistro na email, siya ang may-ari,” sey pa niya.
Baka Bet Mo: Tito Sotto ‘nanggigil’ nang sabihing hindi mabubuhay kung walang ‘Eat Bulaga’: TVJ na kami
Nabanggit din ng dating senador na layunin ng mga nasa likod ng Eat Bulaga na maabot ng show ang ika-50th anniversary sa taong 2029.
“Ang target po namin, umabot ng 50. Six years to go yun, kaya ipaglalaban namin ‘yan,” sambit niya.
Pagtitiyak pa ng TV host, “Itutuloy namin ang Eat Bulaga in whatever form. In whatever form. Lalo na nakikita po namin ‘yung suporta, ‘yung pagtangkilik ng kababayan natin.”
Ibinunyag din ni Tito sen na habang wala pa silang istasyon na lilipatan ay marami na ang lumalapit at nag-aalok sa kanila.
Kabilang na raw riyan ang TV5, Radio Philippines Network (RPN), at CNN Philippines.
“May mga nag-aalok. Nag-uusap kami. Kinakausap naman namin sa TV5 after nung Wednesday, kausap namin ang TV5. Kausap namin ang RPN 9,” saad niya.
Pagbubunyag pa niya, “Kahapon tinext sakin ni Pinky Webb sa CNN Philippines na interesado— kung gusto raw namin ng 12 to three, ibibigay nila.”
May 31 nang pormal ng ipinabatid nina Tito sen, Vic Sotto, at Joey de Leon sa publiko na lilisanin na nito ang TAPE Inc., ang producer ng Eat Bulaga.
Kasunod niyan ay nag-resign na rin ang iba pang main hosts ng noontime show na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Maine Mendoza, Ryan Agoncillo, Allan K at Ryzza Mae Dizon.
Bukod sa mga hosts ay marami na rin mula sa produksyon ang nag-alisan sa “Eat Bulaga” gaya ng mga writers, cameraman at mga empleyado sa sales.
Naging malungkot naman ang TAPE sa nangyari at sinabing nirerespeto nila ang naging desisyon ng mga host.
Kasabay niyan ay siniguro ng kumpanya na magbibigay pa rin sila ng “quality entertainment” sa publiko at sa mga taga-suporta ng naturang noontime show.
Related Chika:
‘Hindi na kumpleto ang Eat Bulaga kapag nawala ang TVJ’ – Ruru Madrid
Willie umamin: Mahirap talagang makipag-compete sa mga noontime show, pinagdaanan ko na lahat iyan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.