Tito, Vic & Joey, Eat Bulaga Dabarkads nagpaalam na: ‘Saan man kami dalhin ng tadhana, tuloy ang isang libo’t isang tuwa’
NAGPAALAM na sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon at iba pang mga Dabarkads sa TAPE, Inc. ngayong tanghali kasabay ng pasasalamat sa sambayanang Filipino.
Nagtaka ang mga manonood kanina dahil replay ang ipinalabas na episode ng “Eat Bulaga” sa GMA 7 kaya naman mabilis na kumalat ang balita na may malaking announcement na gagawin ang TVJ sa programa.
Habang umeere ang isang throwback production number nina Tito Sen, Bossing at Joey ay bigla itong naputol at ipinakita nang live ang mga kaganapan sa studio ng longest-running noontime show sa bansa.
View this post on Instagram
Ilang sandali pa ay pumagitna na nga sa stage ang TVJ habang nakapalibot sa kanila ang mga Dabarkads, kabilang na sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros.
Unang nagsalita si Tito Sen, “Pumasok po kami ngayong araw para makapagtrabaho pero hindi po kami pinayagang umere ng new management nang live.”
Baka Bet Mo: Maja naiyak sa pa-birthday surprise ng Eat Bulaga: Ang sarap maging Dabarkads!
Sabi naman ni Joey, “Kung natatandaan n’yo po, July 30, 1979 nang simulan namin ang Eat Bulaga at 44 years na po ngayong taon na to. Kaya naman lubos ang aming pasasalamat sa mga naging tahanan namin, unang-una amg RPN 9 for nine years.
“Ang ABS-CBN for six years at ang GMA for 28 years, thank you very much,” aniya pa.
Pahayag pa ni Tito Sen, “Nagpapasalamat din kami sa lahat ng advertisers mula 1979 na nagmahal, nagtiwala at sumuporta sa amin.
“Ganu’n din sa inyo mga Dabarkads, sa mga manonood, sa inyong pagmamahal sa programa na naging bahagi na ng inyong tanghalian.
View this post on Instagram
“Lubos din ang aming pasasalamat kay Mr. Tony Tuviera sa pagkakaibigan at pagiging bahagi ng aming pamilya at higit sa lahat sa Panginoong Diyos na kahit kailan ay hindi niya kami pinabayaan,” dagdag ng dating senador.
Mensahe naman ni Vic na halatang pinipigil ang pagtulo ng luha, “Hindi na po namin iisa-isahin ang laman ng aming mga puso at damdamin. Ang hangad lang po namin ay makapagtrabaho nang mapayapa, walang naaagrabyado at may respeto sa bawat isa.
“Simula ngayong araw, May 31, 2023, kami po ay magpapaalam na sa TAPE, Incorporated. Karangalan po namin na kami’y nakapaghatid ng tuwa’t saya mula Batanes hanggang Jolo at naging bahagi ng buhay ninyo.
“Maraming, maraming salamat sa inyong lahat, hanggang sa muli. Saan man kami dalhin ng tadhana, tuloy ang isang libo’t isang tuwa,” ang emosyonal pang mensahe ni Bossing sa lahat ng Dabarkads.
Wala silang binanggit kung kailan at saan na mapapanood ang “Eat Bulaga” kaya abang-abang na lang tayo sa susunod na kabanata.
Maja Salvador babu na sa ‘Eat Bulaga’, naghahanda para sa nalalapit na kasal
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.