Shamcey Supsup-Lee ipinaliwanag ang ‘controversy’ sa Top 10 ng 2023 Miss Universe Philippines pageant
NAGSALITA na si Miss Universe Philippines (MUPH) National Director Shamcey Supsup-Lee kaugnay ng pagbabalewala sa tinawag ng Top 10 na ikinalito ng mga manonood ng katatapos na coronation night noong nakaraang weekend.
“I want to take a moment to address the recent controversy and provide some clarity on what transpired after the announcement of the top 10 during the Miss Universe Philippines pageant,” sinabi niya sa isang social media post magha-hatinggabi na noong Mayo 19.
Sa coronation show sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Mayo 13, lahat ng Top 18 candidates pinabalik para sa susunod na yugto ng kumpetisyon, kahit pa tinawag na ang Top 10. Sinabi ng host na si Xian Lim na dahil sa isang technical issue, nagpasya ang MUPH na pabalikin lahat ng semifinalists upang paglabanan ang mga puwesto sa Top 5.
Sinabi ni Shamcey na tinanggap ng board ng MUPH ang “independently-tabulated results” mula sa official accounting firm partner ng patimpalak para sa record-keeping. “However, as I carefully examined the figures, my attention was drawn to the highly improbable numbers. This gave rise to concerns that the integrity of the results may have been compromised,” ipinaliwanag niya.
“In order to ensure absolute fairness and transparency, the board made the decision to initiate a manual counting of the judges’ votes…conducted with the utmost diligence and in the presence of the accounting firm. As a result, it became evident that there were discrepancies in the initial Top 10 results,” pagpapatuloy niya.
Baka Bet Mo: Shamcey Supsup-Lee: ‘Being Miss Universe Philippines is a job’
Kabilang sa mga tinawag sa Top 10 ang mga nagsipagwaging sina Michelle Dee mula Makati City (Miss Universe Philippines), Pauline Amelinckx mula Bohol (Miss Supranational Philippines), Krishnah Gravidez mula Baguio City (Miss Charm Philippines), at Christine Opiaza mula Zambales (first runner-up), kasama sina 2020 Aliwan Fiesta Digital Queen Jannarie Zarzoso mula Agusan del Norte, 2021 Binibining Pilipinas Grand International Samantha Panlilio mula Cavite, 2019 Mutya ng Pilipinas Asia Pacific International Klyza Castro mula Davao Oriental, Jan Marie Bordon mula Bacolod, Airissh Ramos mula Eastern Samar, at Rein Hillary Carrascal mula Sorsogon.
Sinabi ni Shamcey na ang board ang nagpasyang pahintulutan lahat ng 18 semifinalists na lumaban sa evening gown portion. “Our primary objective is to promote integrity, transparency, and accountability in all aspects of the pageant. We believe in providing equal opportunities for all candidates and to do what is right no matter the consequences,” aniya.
Sa sumunod na evening gown competition, muling nasilayan ang iba pang semifinalists—ang naging second runner-up na si Angelique Manto mula Pampanga na nanguna sa Jojo Bragais Runway Challenge na isinagawa online, si 2021 Reina Hispanoamericana Filipinas Emmanuelle Vera mula Cebu, ang single mother na si Clare Dacanay mula Parañaque City, at sina Afia Adorable Yeboah mula Tiaong, Iman Franchesca Cristal mula Mandaluyong City, Christine Salcedo mula Marinduque, Kimberlyn Acob mula Isabela, at Princess Anne Marcos mula Bulacan na nakapasok sa Top 18 dahil sa paglikom ng pinakamaraming boto sa Smilee Casting Challenge.
“To our loyal supporters, we deeply appreciate your understanding and unwavering belief in our organization. Your trust means the world to us, and we are determined to honor that trust by continuing to navigate this situation with grace and integrity,” hinayag ni Shamcey.
Ang patimpalak ngayong 2023 ang ikaapat na edisyon ng hiwalay na paghahanap sa kandidata ng Pilipinas para sa Miss Universe pageant. Ibabandera ni Dee ang bansa sa ika-72 edisyon ng pandaigdigang patimpalak sa El Salvador ngayong taon.
Ito rin ang unang taong humirang ang MUPH ng mga kinatawan sa dalawa pang pandaigdigang patimpalak. Si Amelinckx ang kakatawan sa Pilipinas sa ika-14 Miss Supranational pageant sa Poland sa Hulyo, habang lalaban naman si Gravidez sa ikalawang Miss Charm contest sa Vietnam sa 2024.
Related Chika:
Shamcey Supsup na-shock nang mahawa ng COVID: Bakunado na kaming lahat
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.