Target ni Tulfo by Mon Tulfo
MAHIRAP alisin ang dating masamang pag-uugali.
Nilabag ni Vice President Jojo Binay ang batas trapiko when his convoy beat the red light in Quezon City.
Hiyang-hiya raw si Binay sa ginawa ng kanyang mga tauhan.
Maniwala ka diyan!
Sanay si Binay at ang kanyang asawa, mga anak at apo na gumamit ng sirena at blinker sa kanilang convoy sa Makati.
Ipinagbawal ni P-Noy ang paggamit ng wang-wang o sirena sa daan ng sinuman at siya mismo ay sumusunod sa kanyang kautusan.
Pero itong si Binay ay ayaw sumunod sa kautusan ng bagong Pangulo dahil sanay si Jojo sa paggamit ng blinker at wang-wang.
Old habits die hard, ‘ika nga.
Pagpasensiyahan muna natin si Binay sa kanyang paglabag sa batas trapiko dahil nilalanghap pa niya ang kapangyarihan ng Bise Presidente.
Nang siya’y mayor ng Makati siya’y mistulang hari ng pinakamaunlad na lungsod sa bansa.
Kapag siya’y nasa daan, dapat tumabi ka at baka ka samain.
Ipinasara ni Binay ang YMCA Club sa Makati dahil hindi pinapasok ang kanyang anak upang gumamit ng swimming pool.
Hindi kasi nakilala ng babae na nasa counter sa YMCA Club ang anak ni Binay. May patakaran kasi sa YMCA na kapag hindi miyembro o walang kasamang miyembro ang isang tao ay hindi pinapapasok.
Matagal ding nagsara ang YMCA. Nabuksan na lang ito nang naglumuhod ang may-ari nito kay Binay.
* * *
Inangilan ni Education Secretary Armin Luistro ang mga reporters na nagtanong sa kanya kung papayagan niya na ituro ang sex education sa public schools.
Pagpasensiyahan na lang itong si Luistro dahil baka hindi niya alam kung ano ang sex dahil siya’y isang La Salle brother.
Siyempre, ano nga naman ang alam ng isang alagad ng Diyos tungkol sa sex, di naman pinapayagan silang mag-asawa.
Humingi naman ng paumanhin si Luistro at ang sabi niya ay dadalo siya ng seminar tungkol sa pakikitungo sa media.
Mabuti naman at naisipan mong matuto tungkol sa pakikitungo sa media, Luistro.
Kung palagi mong aangilan ang mga reporters baka hindi mo maipahahatid ang iyong mensahe sa publiko.
Kahit na magaling kang opisyal ay hindi ka magiging effective dahil hindi malalaman ng taumbayan ang iyong ginagawa.
Isa pa, kung gusto mong igalang ka ay dapat igalang mo rin ang kapwa mo.
Ang pag-angil sa iyong kapwa ay kawalan ng paggalang sa kanila.
* * *
Ang mensahe kay Luistro ay dapat iparating din kay Edwin Lacierda, ang presidential spokesman.
Ilang beses ding umangil at nagsuplado itong si Laciercda sa mga reporters sa press conference sa Malakanyang.
Kapag ganoon ka-antipatiko, Lacierda, maaapektuhan ang iyong among si Noynoy Aquino.
Kapag hindi mo iginalang ang mga reporters paano ka nila igagalang at ang Pangulo na ikaw ang kumakatawan?
Again, kung gusto mong igalang ka at si Pangulong Noy ng mga reporters dapat ay igalang mo rin sila.
Lacierda is starting on the wrong foot.
* * *
Isang gobernador sa Mindanao na maraming asawa ay masisira ang pangalan ng di kalaunan dahil isa sa kanyang asawa ay hindi marunong magbayad ng utang.
Matapos daw kumuha ng mga plane tickets sa isang travel agency worth P201,000 para sa Asian package tour ay ayaw nang bayaran ang agency.
Yung ibinigay niyang tseke sa travel agency ay tumalbog.
Matagal na ang utang ng isa sa mga Mrs. nitong si Gobernador.
You guess right, Muslim ang gobernador kaya’t maraming asawa.
Bandera, Philippine politics and opinion, 070810
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.