Mads Mikkelsen, Millie Bobby Brown, Tom Sturridge bumandera sa unang Osaka Comic Con
BIGATING mga artista ang inanyayahan ng mga organizer ng Osaka Comic Con 2023 upang batiin ang mga masusugid na tagahanga at tagasubaybay ng comic books at mga pelikula sa tatlong-araw na kumbensyon sa napakalawak na Intex Osaka complex ngayong weekend.
Pinangungunahan nina “Fantastic Beasts” star Mads Mikkelsen, Emmy-nominated actress Millie Bobby Brown, at “Dream” mula sa “Sandman” series na si Tom Sturridge mismo ang bonggang hanay ng mga artista sa kumbensyon, kung saan kabilang din sina Misha Collins mula sa mga seryeng “Supernatural” at “Gotham Knights,” Joonas Suotamo na humalili bilang Chewbacca sa “Star Wars” franchise, Daniel Logan na gumanap bilang Bobba Fett sa “Star Wars,” at Michael Rooker na gumanap bilang Yondu sa “Guardians of the Galaxy.”
Binati ng pito ang laksa-laksang Hapones na nagtipon sa Hall 5 ng Intex Osaka, lahat pumila nang ilang oras para sa pagkakataong makita nang personal ang mga artista. Hindi nakasama sa opening ceremony si Orlando Bloom, ngunit nakatakda siyang magpakita sa ikalawang araw ng kumbensyon. Nauna na siyang napabilang sa 2019 Tokyo Comic Con.
Nakasama na rin sina Mikkelsen at Rooker sa Tokyo Comic Con, sa pagdaraos ng kumbensyon noong 2017. Sa kumbesiyon noong 2016 naman unang nakasampa si Logan.
“We’re so happy. We’re gonna take some photos, write some autographs, visit the booths. And I can’t wait, we’re gonna have three days of work,” sinabi ni Mikkelsen sa mga tagahanga. Ibinato naman ni Rooker ang kakarampot ng mga salitang Hapones na alam niya, na ikinagalak ng mga manonood. Lumapit muna siya sa mga nagtitipong tagahanga bago nagsimula ang palatuntunan, at mabilis na tumawid sa entablado na umani ng tawanan mula sa mga manonood.
Samantala, matatas ang pagsasalita ng Hapones nina Logan at kapwa niya “Star Wars” actor na si Suotamo, na nagpamangha sa mga tagahangang nakarinig, at mga kawani ng midyang nag-uulat. Nang ipakilala naman si Sturridge, bumati siya ng “konnichiwa,” at sinabing, “it’s a pleasure to be here. I hope we all have a wonderful time.”
Pasabog naman sa makinang niyang pulang kasuotan si Brown, na na-nominate sa Emmy Awards para sa pagganap bilang Eleven sa “Stranger Things,” at title role naman ngayon sa mga pelikulang “Enola Holmes.” Ngunit napakatipid niyang magsalita, at bumati lang ng “konnichiwa.”
Baka Bet Mo: Alexa todo pasalamat sa fans nila ni KD: Nagpa-trend sila nang bonggang-bongga, I’m proud of them!
Osaka Comic Con 2023 ang unang pagdaraos ng kumbensyon sa Osaka. Binuo rin ito ng organizer ng taunang Tokyo Comic Con sa kabisera ng Japan. Inaasahang sasamahan na ni Bloom ang mga kapwa niya artista sa closing ceremony ng kumbensyon sa Mayo 7.
Related Chika:
Quinn Carillo inaming hango sa tunay na buhay ang sexy-thriller film na ‘Tahan’
Joshua aminadong ‘toxic’ ang socmed: napangiti nang tanungin tungkol kay Ivana
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.