Karla handang-handa nang maging lola sa magiging anak nina Daniel at Kathryn; nilinaw ang chikang ikinasal na sa non-showbiz dyowa
TUMANGGI ang TV host-actress na si Karla Estrada na pag-usapan ang kanyang lovelife nang makachikahan ng ilang members ng showbiz press.
Kahapon, sa mediacon ng bago niyang programa sa TV5, ang bagong version ng “Face 2 Face”, kinumusta nga ang kanyang buhay pag-ibig.
Hindi kasi masyadong nagpo-post ang nanay ni Daniel Padilla sa social media ng mga kaganapan sa relasyon ng non-showbiz boyfriend niyang si Jam Ignacio.
“Ayos lang. I mean, alam niyo naman, hindi ako komportableng pag-usapan ang aking buhay pag-ibig. Itago na lang muna natin siya sa likod ng camera,” ang maikling tugon ni Karla.
Sinagot naman niya ang chikang kasal na raw sila ng kanyang dyowa, “Hindi pa. Nakakahiya na yun ang pinag-uusapan natin. Ha-hahahaha! Feeling ko kasi, ang tanda ko na!”
Hirit pa ni Karla, “Wala pa sa mga plans yun. Siguro pag mga 64.” Hindi pa rim daw nagpo-propose sa kanya ang guy.
Biniro naman siya na baka maunahan pa siya ni Daniel na magpakasal, “Okay lang. Mas importante ang love life nila kesa sa akin.”
Sey pa ni Karla, gusto na rin niyang maging lola sa magiging anak ni Daniel, “I’m so ready anytime!”
Sa tanong kung ilang apo ang gusto niya,“Ay naku! Sanay kami na maraming pamilya. Kaya hangga’t ilan ang kaya, perfect. Mas marami, mas masaya.”
Feel na rin daw niya na gusto nang magpakasal ni Daniel, “Kasi mga anak ko naman, hindi naman maitatago pag ikaw ang nanay lalo. Hands on ka, di ba, na lumaki sa ‘yo.
Baka Bet Mo: Regine Velasquez tinupad ang wish ni Karla Estrada: ‘Thank you idol! Love you!
“Kilala mo talaga sila. Oo naman. Pero siyempre, at the end of the day, sila talaga ang magdedesisyon kung ano yung gusto nilang mangyari sa mga buhay nila,” aniya pa.
Nilinaw din niya ang mga tsismis na nagpa-secret marriage na sina Daniel at Kathryn Bernardo sa ibang bansa, “Hindi naman. Kasi I don’t think na ililihim naman sa amin na mga magulang yun.
“Kasi siyempre, hindi naman kami hindi supportive, e. Di ba, wala namang kumokontra sa pagmamahalan ng mga anak ko sa iba nilang mga mahal sa buhay. So, walang dahilan para isikreto sa amin yun,” paniniguro pa ni Karla Estrada.
Samantala, simula sa May 1, mapapanood na ang pagbabalik ng bagong “Face 2 Face” kung saan makakasama rin ni Karla bilang co-host ang komedyanteng si Alex Calleja.
Siguradong magpipiyesta ang mga Marites dahil nagbabalik na ang isa sa pinakatinutukan at inabangang legacy shows ng TV5.
Ibabalik ng “Face 2 Face” ang tinaguriang “barangay hall on air” sa TV5 at One PH, na available sa Cignal Ch. 1, SatLite Ch. 1, at Cignal Play.
Dahil kasabayan ng “Face 2 Face” ang pagbabago ng panahon, bagong tandem ang matutunghayan sa pagbabalik ng viral na programa – sina Mama Karla Estrada at Alex Calleja na ang hosts at mediators sa pagresolba ng mga problema ng kanilang mga bisita.
Handa ring tumulong ang Trio Tagapayo – sina “Dr. Love” Bro. Jun Banaag para sa gabay ng clergy, Atty. Lorna Kapunan para sa legal advice, at Dr. Camille Garcia para sa pagbabahagi ng pananaw ng isang psychologist – para sa ikabubuti at ikaaayos ng mga problemang kanilang pagpapayuhan.
Ang bagong Face 2 Face ay may bagong battlecry na “Isyu ay harapin, huwag palakihin” dahil sa paniniwala na ang lahat ng problema ay nadadaan sa magandang usapan.
Ang motherly compassion ni Mama Karla at ang pagka-kwela ni Alex Calleja ang magbibigay ng bagong approach sa mga isyu.
Related Chika:
Karla Estrada umalma sa post ng netizen, ipinagtanggol si VP Leni
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.