Miss CosmoWorld PH ikakasa sa bansa ngayong taon, may papremyo na P1-M
IWINAWAGAYWAY ng Miss CosmoWorld Philippines pageant ang P1-milyong premyo upang makahikayat ng mga aplikante sa una nitong edisyon ngayong taon.
Ito ang itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan ng mga patimpalak sa Pilipinas na tinumbasan lang ng premyong iginawad sa unang edisyon ng Miss World Philippines competition noong 2011.
Ibinahagi ito ni reigning Miss CosmoWorld Meiji Cruz, ang unang Pilipinang nakasungkit sa pandaigdigang titulo, sa paglulunsad sa pambansang patimpalak na isinagawa sa Kao Day and Night Club sa Newport World Resorts sa Pasay City noong Abril 12.
Siya na ngayon ang may hawak ng prangkisa ng pandaigdigang patimpalak para sa Pilipinas.
Malaking premyo ang iniaalok ng bagong pambansang patimpalak sapagkat napakalaki rin ng ibinigay ng pandaigdigang patimpalak. Tumanggap si Cruz ng $100,000 (P5.5 milyon) nang magwagi sa Miss CosmoWorld competition sa Malaysia noong Nobyembre, ilang buwan lang mula nang nagtapos ang kaniyang reign bilang Binibining Pilipinas second runner-up.
“It’s a full circle journey for me. From being a candidate, now as chairperson of MCWPH (Miss CosmoWorld Philippines). And I learned so much and I grew as the woman I am today because of pageantry,” sinabi ni Cruz,
dagdag pa niya, “now I have this opportunity as a precursor of inspiration, of hope and empowerment, to the next beauty queen who embodies the world-class [Filipino woman].”
Para kay Cruz, tugon ng Diyos sa pakiusap niya ang bagong pambansang patimpalak.
“I always pray, please make me an instrument of hope, of service. So I believe that this opportunity came for me to provide a space, and provide a tool to young Filipinos to reach their fullest potential,” ibinahagi niya.
Makakatuwang ni Cruz sa Miss CosmoWorld Philippines pageant ang mentor niyang si Rodgil Flores mula sa tanyag na “Kagandahang Flores” pageant camp bilang national director.
May isang dekada na ang napagdaanan ng dalawa, mula pa noong 17-taong-gulang pa lang ang reyna na nakikipagsapalaran sa 2012 Binibining Pilipinas pageant.
Sinabi ni Flores na “anything and everything for Meiji” ang motto ng pangkat. “We believe in the platform, which is women empowerment through financial literacy, which will result [in] financial independence,” dinagdag pa niya.
Sinabi ng pageant mentor sa INQUIRER na bilang franchise holder, “Meiji has the final approval on everything, on all aspects of the pageant, from marketing and production.”
Baka Bet Mo: Miss Grand Philippines bukas na sa mga aplikante para sa 2023 pageant
At bilang national director naman, sinabi ni Flores na managing director din siya, “directly in charge of the production aspect of all activities.”
Magpapatawag sila ng screening sa Hunyo at Hulyo, upang mabuo ang hanay ng mga opisyal na kandidata sa Agosto.
Pansamantalang nakatakda sa Setyembre ang huling kompetisyon. Dinagdag pa ni Flores na tatanggap sila ng mga aplikante mula sa buong bansa, at bukas din ang patimpalak sa mga prangkisang panlalawigan o panrehiyon.
Bukas ang Miss CosmoWorld Philippines sa mga Pilipinang itinakdang babae sa pagkakasilang nila, na mula 18 hanggang 27 taong gulang.
Walang height requirement, ngunit dapat ay hindi pa naikakasal o nagdadalantao ang aplikante.
Related Chika:
May asawa at mga tatay pwede nang sumali sa Mister International PH pageant
Korina sa pasaway na aplikante: Sige uwi ka na, wag ka nang babalik ha…next please?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.