‘Maraming indie directors ang nakatengga ngayon dahil choosy na ang mga producer’
ANG dami palang mga pelikulang isu-shoot ngayon at ang ibang directors ay kasalukuyang nagpi-pitch sa mga producers.
Sa pagkakatanda namin kapag may naulinigan kaming gagawing pelikula ang isang major film outfit ang tanong kadalasan ay sino ang mga artista, sino ang bida? At saka lang isusunod na tanong ay kung sino ang magdidirek.
Pero sa panahon ngayon after pandemic ay iilan na lang ang nagpo-produce na pelikula at kadalasan ay mula na ito sa mga independent producers at ang unang tanong na ngayon ay, “Sino ang direktor at sinong nagsulat?” Saka lang bubuuin kung sinong mga artistang gaganap.
“Oo, malaking factor na ngayon kung sino ang magdidirek kasi siyempre kung limitado ang budget mo tapos ang direktor mo maraming hinihingi, plus ang mamahal pa ng talent fee ng mga artista, so kawawa naman ang producers, di ba?
“Maski naman dati pa, mas gusto talaga ‘yung magdidirek siya rin ang nagsulat ng script kasi mas alam nila ang scope at kung ano ang mga kailangan.
“May mga writers kasi gusto bongga ang lahat ng eksena, e, siyempre susundin naman yun ng direktor, minsan compromise. Kaya ngayon, matino o maayos na direktor muna ang hahanapin mo bago ang artista,” paliwanag sa amin ng producer, director at actor na ayaw ipabanggit ang pangalan.
Nagbanggit ang aming kausap ng mga direktor na okay at karamihan naman sa kanila ay mga award winning at matagal na rin sa paggawa ng pelikula kaya nakakarinig na kami ng, “Naku, terror sila sa set.”
Paano naman ang ilang indie directors na nangangarap ding makapagdirek ng pelikula pero hindi nabibigyan ng chance?
“Puwede naman talagang bigyan ng chance, ang daming indie directors na nasa mainstream na ngayon (binanggit mga names), pero kasi kadalasan ang tsine-check din ng producers ay kung ano na ang mga works nila.
“O kaya naman kung wala pang major o hindi napansin, inaalam ang work attitude sa set, okay ba siya sa production team, okay ba siya sa artista.
“Ganu’n na ngayon, aalamin mo ang background ng bawa’t direktor na pagkakatiwalaan ng producer dahil malaking pera ang ilalabas nila,” paliwanag ulit sa amin.
At ngayon namin lubos na naiintindihan kung bakit maraming indie directors ang tengga dahil siguro hindi pa sila nabibigyan ng chance o kung nabigyan man ay hindi nila ito pinagbuti kaya hindi na ulit kinuha ang serbisyo nila? Higit sa lahat, karamihan sa producers ngayon ay ayaw ng nega at maraming hanash sa buhay.
Kaya malalaman kung sino ‘yung laging may projects, TV o movie ibig sabihin ay maganda ang record nila sa lahat pati na rin sa mga artista at buong production team at higit sa lahat, “Hindi magastos!”
Aktor ‘hinimas-himas’ ang kilalang producer kaya nagsunud-sunod ang proyekto
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.