‘Biggest, most exciting’ Miss International pageant itatanghal sa Oct. 26 | Bandera

‘Biggest, most exciting’ Miss International pageant itatanghal sa Oct. 26

Armin P. Adina - March 30, 2023 - 07:39 PM

Reigning Miss International Jasmin Selberg and Bb. Pilipinas Nicole

Reigning Miss International Jasmin Selberg and Bb. Pilipinas Nicole Borromeo/ARMIN P. ADINA

 

SA JAPAN pa rin pala itatanghal ang Miss International pageant ngayong taon. Makaraan ang bulung-bulungan ng mga tagasubaybay, kabilang ang mga Pilipino, na sa ibang bansa na gagawin ang patimpalak para sa 2023, pinahupa ng organisasyon ang pag-aabang at isiniwalat na ang lugar at petsa ng pandaigdigang patimpalak.

Hindi na nga itatanghal ang pandaigdigang patimpalak sa nakasanayang Tokyo Dome City Hall, kung saan ginawa ang mga nagdaang pagtatanghal. Ngunit hindi naman pala ito masyadong lalayo, at gagawin ilang minuto lang ang layo mula sa dating pinagdarausan—sa Yoyogi Gymnasium No. 2 sa Shibuya, sa kabisera rin ng Japan na Tokyo.

Binahagi ito ng Miss International pageant sa social media, at sinabi pang mangyayari ang susunod na patimpalak, ang ika-61 edisyon, sa Okt. 26. Iba rin ito sa nakasanayang iskedyul tuwing Nobyembre noong 2017, 2018, at 2019. Disyembre naman itinanghal ang pinakahuling edisyon.

“Don’t forget to support your delegate as we bring you the biggest and most exciting Miss International edition of all!” sinabi ng Miss International pageant sa Facebook. “Together let’s make this year’s pageant as the most memorable Miss International edition in history,” sinabi naman nito sa Twitter.

Sinabi ni Stephen Diaz, ang Pilipinong marketing manager ng pageant organizer na International Cultural Association (ICA) sa Tokyo, sa isang online Inteview ng Inquirer na hanggang 80 kalahok lang ang tatanggapin ngayong taon. Mababa pa rin ito sa naitalang pinakamaraming bilang ng mga kandidata na 83 noong 2019, ngunit sinabi niyang “unintentional” na umabot doon ang bilang noong taong iyon.

Nasa 66 lang ang mga kinatawang nagtagisan sa ika-60 edisyon na itinanghal noong isang taon. Nauna itong itinakda noong 2020, ngunit naantala nang dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Naunang sinabi ni Diaz na ilang bansa na ang nagpahayag ng interes na lumahok sa Miss International pageant. Sinusuri pa umano ng ICA kung ano-anong mga bansa ang pahihintulutang magpadala ng kinatawan para sa ika-61 edisyon. Kinumpirma naman ni Diaz sa Inquirer na lalahok ang Lesotho sa unang pagkakataon ngayong taon.

Magtatagisan ang mga kandidata ng 2023 upang masungkit ang koronang taglay ngayon ni Jasmin Selberg, ang ikatlong Miss International mula Germany. Si Binibining Pilipinas Nicole Borromeo ang magiging kinatawan ng Pilipinas.

Anim na Pilipina na ang nakapag-uwi ng korona bilang Miss International. Nagwagi si Gemma Cruz noong 1964, at naging unang global pageant winner mula sa Pilipinas. Sumunod si Aurora Pijuan noong 1970, Melanie Marquez noong 1979, Precious Lara Quigaman noong 2005, Bea Rose Santiago noong 2013, at Kylie Verzosa noong 2016.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending