91% ng Pinoy pabor sa opsyonal na pagsusuot ng face mask–SWS
SIYAM sa sampo o 91 na porsyento ng mga Pilipino ay sang-ayon sa opsyonal na paggamit ng face mask bilang depensa sa COVID-19, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) .
Sa isinagawang survey ng SWS mula Disyembre 10-14, 2022, 91 porsyento ng 1,200 respondents ang nagsabing sang-ayon sila sa Executive Order No. 7 Series 2022, na nagpapahintulot sa boluntaryong paggamit ng face mask sa loob at labas ng bahay sa gitna ng umiiral na pandemyang COVID-19.
Sa mga respondent na ito, 64 porsyento ang nagsabing “matinding sumasang-ayon,” 27 porsyento ang nagsabing “medyo sang-ayon,” apat na porsyento ang “undecided,” tatlong porsyento ang “medyo hindi sang-ayon,” at isang porsyento ang “matinding hindi sumasang-ayon.”
Samantala, higit sa kalahati ng mga respondent ang nagsabing magpapatuloy pa rin silang magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay, habang 54 porsyento na nagsasabing “lagi” silang magsusuot ng face mask, 22 porsyento ang nagsasabing “madalas,” 15 porsyento ang “kung kailangan,” walo porsyento ang “bihira,” at isa porsyento ang nagsabing “hindi kailanman.”
Sa survey, 91 porsyento ng mga respondent ay sang-ayon din sa opsyonal na paggamit ng face mask sa face-to-face classes, kung saan 65 porsyento ang nagsabing “matinding sumasang-ayon,” 26 porsyento ang “medyo sang-ayon,” tatlong porsyento ang “undecided,” tatlong porsyento ang “medyo hindi sang-ayon,” at dalawang porsyento ang “matinding hindi sumasang-ayon.”
Sa kabilang banda, karamihan sa mga respondent ay nagsasabing kailangan pa rin ng kanilang mga anak na maglagay ng face mask kapag pumapasok sa paaralan, kung saan 81 porsyento ang nagsasabing “lagi,” 11 porsyento ang “madalas,” limang porsyento ang “kung kailangan,” tatlong porsyento ang “bihira,” at 0.5 porsyento ang nagsasabing “hindi kailanman.”
Ayon sa SWS, isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face na panayam na may sampling error margin na ±2.8 porsyento.
IBA PANG BALITA
81 OFW nakatakdang bitayin sa ibang bansa
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.