LPA magpapaulan sa VisMin; mainit na panahon paparating na — PAGASA
ISANG Low Pressure Area (LPA) sa bahagi ng Mindanao ang binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
“Sa kasalukuyan nga may mino-monitor tayong Low Pressure Area. Ito ay pumasok ng Philippine Area of Responsibility kahapon,” sey sa press briefing ng weather bureau ngayong March 13.
Huling namataan ang LPA sa may silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, ngunit ayon sa PAGASA ay may maliit na tsansa na ito ay maging bagyo.
Paliwanag ni Weather Specialist Obet Badrina, “Base po sa ating pinakahuling datos, itong lugar kung nasaan itong Low Pressure Area na ito, medyo maliit pa ‘yung tsansa na ito ay maging bagyo dahil nga hindi ganung kainam ‘yung lugar kung nasaan itong LPA natin kaya sa ngayon ho, medyo maliit ‘yung tsansa na ito ay maging bagyo.”
Bagamat hindi pa sigurado kung ito ay magiging bagyo, inaasahan itong magpaulan sa malaking bahagi ng bansa.
Dahil diyan ay asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Caraga at Davao Region.
Habang uulanin din ang nalalabing bahagi ng Mindanao at Visayas.
Samanatala, inanunsyo rin ng PAGASA na patuloy nang humihina ang epekto ng Northeast Monsoon o Hanging Amihan sa ating bansa.
Ibig sabihin nito, posibleng maramdaman na natin ang mainit na panahon.
Ang amihan kasi ang nagdadala sa bansa ng malamig na hangin kaya nakakaranas tayo ng malamig na panahon.
“Sa nakalipas na taon, normally natatapos ang amihan bandang mid-March, at dahil papunta na tayo sa gitna ng Marso, posibleng ito na ang huling linggo ng northeast monsoon o amihan,” saad ni Badrina.
Sa ngayon, magdudulot pa rin ng mahihinang pag-ulan ang Amihan sa Cagayan Valley, Apayao at Aurora, gayundin sa Metro Manila at sa natitirang bahagi ng Luzon.
Read more:
Estudyante patay, 29 sugatan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang jeep sa Quirino
4 na magkakapatid patay matapos pagsasaksakin ng amain sa Cavite
Meralco posibleng may dagdag-singil sa kuryente ngayong Marso
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.