Ate Vi natakot gawin ang ‘Burlesk Queen’ noon sa edad na 21: ‘I took the risk and after that itinuring naman akong parang aktres na’
KNOWS n’yo ba kung anong pelikula ang nagpatunay at naging “resibo” ng Star For All Seasons na si Vilma Santos para matawag siyang isang tunay na aktres?
Nagsimula si Ate Vi sa mundo ng showbiz bilang child star (sa edad na 9) at ngayon ngang 2023 ay ipinagdiriwang na niya ang kanyang ika-60 anibersaryon sa entertainment industry.
In fairness, napakarami nang napatunayan ng aktres at dating public servant sa loob ng anim na dekada niya sa mundo ng showbiz pati na rin sa larangan ng politika kaya naman nananatili pa rin ang pagrespeto at pagpapahalaga sa kanya ng madlang pipol.
Sa pagse-celebrate niya ng kanyang 60th anniversary sa showbiz ay binalikan ni Ate Vi ang ilan sa mga highlights ng kanyang career bilang aktres at bilang movie icon.
Sa anniversary special na inihanda ng ABS-CBN para kay Vilma na may titulong “Anim na Dekada Nag-iisang Vilma,” ibinahagi ni Ate Vi ang ilang “untold stories” sa likod ng kanyang award-winning films.
View this post on Instagram
Isa na nga riyan ang pelikulang ginawa niya kung saan kinilala ang kanyang husay sa pag-arte at binansagan pang “real actress” noong mga panahong yun – ang “Burlesk Queen.”
Tinanong siya ni Boy Abunda na nagsilbing host ng “Anim na Dekada Nag-iisang Vilma” tungkol sa controversial film niyang “Burlesk Queen” na ipinalabas noong 1977.
Ayon kay Ate Vi, ang dati niyang manager na si William Lery ang nag-challenge sa kanya na gumawa ng mga pelikulang hahamon sa kanyang pagiging aktres at hindi lamang basta isang artista.
“It’s about time that you take the risk of doing mga controversial films. And show your acting. Kailangan kapag sinabing Vilma Santos, kailangan ang sabihin nila aktres,” ang sabi raw sa kanya ng yumaong talent manager.
Nu’ng una raw ay nagdalawang-isip siya kung tatanggapin ang naturang proyekto na idinirek ni Celso Ad Castillo na inilarawan pa niyang “great director.”
Parang hindi raw niya kayang magsuot ng super revealing and sexy costume lalo na ang gumawa ng sexy dance number sa harap ng maraming tao.
Ngunit nang i-explain na raw sa kanya ni Direk Celso ang magiging karakter niya sa “Burlesk Queen” ay tinanggap na rin niya ito at talagang nilakasan na lamang niya ang kanyang loob sa mga maiinit niyang eksena.
At tulad ng inaasahan ng kanyang manager, nabigyan ni Ate Vi nang hustisya ang kanyang role. Sa katunayan, naiyak pa raw si Direk Celso sa dying scene ng tatay ni Chato (Ate Vi) na ginampanan ni Leopoldo Salcedo.
“For the first time in his career, sabi niya, as a director umiyak siya sa isang eksena. That was the scene with Leopoldo Salcedo,” pagbabahagi ng aktres.
“When I did that movie I think I was 21-22 years old. I took the risk. After that movie, that was the turning point, itinuring naman akong parang aktres na.
“Parang doon lang ako first time nakarinig na, hindi na pinag-usapan na ka-loveteam ako kundi pinag-usapan na, ‘Vilma Santos, you’re such a good actress!’” sey pa niya.
Nadine kay Ate Vi: Noong MMFF awards night nakita ko siya, gusto ko talaga siyang yakapin
Ate Vi pwedeng tumakbong senador sa 2022: Pero maaaring mag-retire na rin po ako sa politics
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.