PAGASA: LPA patuloy na lumalapit sa Mindanao, mababa ang tsansa na maging bagyo
ISANG sama ng panahon nalang ang kasalukuyang binabantayan ng PAGASA sa bansa.
Ito ang Low Pressure Area (LPA) na nasa bahagi ng Mindanao.
Ayon sa press briefing ng weather bureau ngayong February 18, magdudulot pa rin ito ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Pilipinas, lalo na’t mas lumalapit pa ito sa kalupaan.
“Patuloy na lumalapit ‘yung Low Pressure Area sa kalupaan ng Mindanao at huli itong namataan kaninang alas tres ng madaling araw sa layong 285 kilometers timog-silangan ng Davao City,” sey ni PAGASA Weather Specialist Benison Estareja.
Dagdag niya, “Ito ay nagpapaulan pa rin po simula kahapon over most of Mindanao and even Visayas at gayun na rin sa Bicol Region, lalo na sa may silangang parte.”
Ang good news ng PAGASA ay hindi raw ito inaasahang magiging ganap na bagyo sa mga susunod na araw.
Sabi sa presscon, “Base naman po sa Tropical Cyclone Threat Potential forecast ng PAGASA, mababa po ang tsansa na itong Low Pressure Area ay maging isang bagyo subalit sa susunod na tatlong araw ay tatawirin nito ang silangang parte ng bansa.”
“So ngayong araw po, inaasahan na pinakamalapit ang Low Pressure Area dito sa may Caraga Region and eastern Visayas,” ani PAGASA.
Nang dahil sa LPA, asahan ang kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkulog sa Visayas, Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, Bicol Region, Romblon, Marinduque, at Quezon.
Dahil din sa sama ng panahon ay magkakaroon ng panaka-nakang pag-ulan sa natitirang bahagi ng Mindanao at MIMAROPA.
Samantala, magiging maaliwalas pa rin ang panahon pagdating sa Luzon pwera lang sa minsanang mahinang pag-ulan na dulot ng Hanging Amihan.
“Habang dito po sa Luzon, mayroon pa rin pong Amihan o Northeast Monsoon na nagdadala pa rin generally ng malamig na panahon at mahihina hanggang katamtaman na mga pag-ulan,” ayon sa weather specialist.
Mararanasan ang maulap na kalangitan at konting pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora, gayundin sa Metro Manila at nalalabing parte ng Luzon.
Read more:
LPA sa Mindanao posibleng maging bagyo, ‘gale warning’ nakataas sa malaking bahagi ng bansa
PAGASA: LPA sa labas ng bansa magpapaulan sa Mindanao, E. Visayas at Bohol
PAGASA: Walang bagyo sa mga susunod na araw, LPA at amihan magpapaulan sa bansa
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.