Brazilian waging Miss Charm; Pinay bet first runner-up
NAGTAPOS bilang first runner-up ang Pilipinang si Annabelle McDonnell sa unang edisyon ng Miss Charm pageant na itinanghal sa Hoa Binh Theatre sa Ho Chi Minh, Vietnam, noong Peb. 16, at nasungkit ni Luma Russo mula Brazil ang korona.
Hinirang naman bilang second runner-up si Olivia Tan mula Indonesia. Tatlumpu’t-walong kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagtagisan sa patimpalak.
Nagkaroon ng mga bulilyaso ang paunang pasabog ng naturang pageant. Biglang dumagdag ang kandidata ng Vietnam sa semifinals kung saan 19 kalahok lang ang unang tinawag.
At nang rumampa na si McDonnell sa semifinal swimsuit round, “Netherlands” ang lumabas sa screen sa halip na “Philippines” at pangalan niya. Ni hindi man lang nakausad sa Top 20 ang kandidatang Dutch.
Unang binalak ng Miss Charm organization na magtanghal ng patimpalak noong 2020, ngunit naunsyami ito dahil sa COVID-19 pandemic.
View this post on Instagram
Si reigning Miss Eco Philippines Ashley Subijano Montenegro ang naunang itinakdang ipadala ng Pilipinas, makaraang masungkit ang titulong Miss Charm Philippines sa Global Asian Model Philippines competition noong 2019.
Ngunit binitawan niya ang titulo nang sumali siya sa 2022 Miss World Philippines pageant, kung saan siya hinirang bilang kinatawan ng Pilipinas para sa 2023 Miss Eco International pageant.
Isinalin ng Empire Philippines, ang may hawak ng pambansang prangkisa ng naturang pageant, ang titulo kay McDonnell, na first runner-up sa 2022 Miss Universe Philippines pageant.
Sa isang panayam ng Inquirer, sinabi ni McDonnell na napagtanto niya sa una niyang pagtuntong sa Ho Chi Minh, sa paanyaya ng Miss Charm organization, na naghahanap ang pandaigdigang patimpalak ng isang tagapagsulong ng sustainable tourism, at “somebody who can be a great spokesperson to inform and better educate people on the merits of web3 technology, particularly blockchain technology, and how we can grow financially, and personally as well, from engaging in cryptocurrencies and NFTs.”
Related Chika:
Miss Charm PH Annabelle McDonnell ‘walks the talk’
Catriona Gray sinalubong ng Vietnamese fans, guest judge sa Miss Universe Vietnam
Bea Gomez may bitbit na lucky charm mula sa Vatican nang lumaban sa Miss U PH 2021
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.