Ogie Diaz inaatake ng anxiety kaya iwas na iwas sa stress: 'Sumusumpong siya tuwing magigising ako ng 4 a.m.' | Bandera

Ogie Diaz inaatake ng anxiety kaya iwas na iwas sa stress: ‘Sumusumpong siya tuwing magigising ako ng 4 a.m.’

Reggee Bonoan - February 02, 2023 - 07:44 AM

Ogie Diaz inaatake ng anxiety kaya iwas na iwas sa stress: 'Sumusumpong siya tuwing magigising ako ng 4 a.m.'

Ogie Diaz, Georgette kasama ang kanilang mga Anak

TUWANG-TUWA ang talent manager at content creator na si Ogie Diaz dahil sa edad niyang 53 ay may mga natatanggap pa siyang offer mula sa iba’t ibang kumpanya.

Bukod sa mga bagong trabaho na inaalok sa kanya ay marami ring talents na gustong magpa-manage sa kanya dahil nga napasikat niya sina Vice Ganda at Liza Soberano.

Nag-aaral pa ang lima niyang anak na babae na ang bunso ay nasa kindergarten pa lang pero sabi ni Ogie, mas gusto na lang niyang mamuhay nang maayos, less stress at higit sa lahat para may oras siyang makasama ang mga anak at asawa.

Technically, dalawang bahay ang tinitirhan ng pamilya ni Ogie, isa sa Quezon City kung saan siya umuuwi dahil nagsisilbi itong studio niya kapag nagte-taping ng “Showbiz Update” vlog kasama si Mama Loi at ang mga kaibigan nilang sina Dyosa Pockoh, Ate Mrena at Tita Jegs.

Sa Tagaytay City naman ang ikalawa kung saan naninirahan ang panganay na si Erin at bunsong si Meerah na parehong doon nag-aaral kasama ang mommy nilang si Georgette o Mommy Sowl.

Kapag hindi busy si Ogie ay pumupunta siya ng Tagaytay para masilip ang mga anak at ma-check na rin daw ang ipinagagawa nilang bahay na magsisilbing retirement home nilang pamilya.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by Ogie Diaz (@ogie_diaz)


May ibang pinagkakaabalahan pa si Ogie kaya siguro hindi na siya gaanong nag-e-entertain ng mga gustong magpa-manage sa kanya at nagbabawas na rin siya ngayon ng artists para less stress.

Ito ang kuwento niya sa kanyang Facebook post kahapon, “Nakakatuwa. Kung kelan ako tumatanda, doon naman nanganganak ang trabaho. May demand ang lola n’yo. Nu’ng araw, nangangahoy pa ako ng work eh. Kasi nga, dalawang pamilya ang binubuhay.

“Eh, nu’ng bata-bata pa ako, sige lang, hangga’t may naniniwala sa kakayahan ko, gow lang. Kung bilang aktor sa teleserye o pelikula, laban lang. Sayang ang anda (ang datung).

“Dami din gusto magpa-manage bilang talent manager din ang lola n’yo. ‘Yung iba, feeling nila, kung napasikat natin si Vice Ganda at si Liza Soberano, gano’n din ang mangyayari sa career nila oras na ako ang maging manager nila.

“Nako, hindi naman gano’n kadali ‘yon. Ipinapasaksak ko sa utak nila, tulay lang ang manager. Sila pa rin ang guguhit ng kanilang kapalaran.

“Kung hindi swak ang manager-talent relationship natin, baka hindi ako ang kakambal ng swerte mo. Tanggap ko naman yon. Kasi naniniwala ako, pag kayo ang pinagtagpo ni Lord para maging successful, ikaw talaga ang itinakdang manager para sa talent na ‘yon.”

Aniya pa, “Eh, ngayon nga, sa totoo lang, nagbabawas na ako ng mina-manage, eh. Hindi ko na kaya ang maraming stress. Lalo na kung pasaway ‘yung talent. Kung hindi man pasaway, ayaw ng talent ‘yung career path na gusto mo para sa kanya. Or you don’t share the same vision, nire-release ko na lang to save the friendship.

“So, kung sino lang ang makakatagal sa amin, ‘yun na lang ang nire-retain ko — dahil ayaw ko na nga ng stress.

“Matanda na ako para humigop pa ng mga personal nilang problema. Career lang ang mina-manage mo, pero kahit sa personal nilang buhay kailangan mo rin silang pakialaman pero hindi nila ‘yon naiiintindihan.”

Ay, artista nga rin pala si Ogie na malaking bagay sa kanya kaya mas lalong nakilala sa showbiz bukod sa pagsusulat sa Mariposa Publications noon ni Nanay Cristy Fermin.

Sabi ni Ogie, “’Yung pagiging aktor naman, in fairness to ABS-CBN, open naman sila pag sinabi kong pwede na akong umarte uli. Hinihintay lang nila ako, pero ‘yun nga, ine-enjoy ko pa ‘yung hawak ko pa ang oras ko.

“Ine-enjoy ko ang vlogging. ‘Yun na lang for now ang mine-maintain ko since kahit saan naman tayo magpunta, nakikilala pa rin naman tayo. Mas marami ngayong nagpapa-picture kumpara noong lumalabas ako sa tv. Dati kasi, ang daming nagpapa-picture sa akin, pero ‘yung ipapahawak lang sa akin ang camera at pipikyuran ko na sila. Hahaha! Charot lang.

“Nga pala, may tumawag sa akin, kaibigan kong executive producer na nasa ibang network na ngayon. Inaalok ako na maging bahagi ng isang primetime news program na araw-araw napapanood.

“Natuwa ako kasi, may asim pa pala ang lola n’yo, hahaha! Pero magalang kong tinern down ang magandang offer. Sabi ko nga sa inyo, ang tanda ko na, eh. Pag tinanggap ko yon, dagdag stress sa akin.”

At dito inamin ng tatay ng limang bata na may anxiety siya kaya umiiwas siyang ma-stress, “Sumusumpong siya tuwing magigising ako nang 4am. Aabutin nang isang oras bago ako makatulog uli. Kasi iniisip ko na naman ‘yung malungkot na na-encounter ko kahapon. Wala, eh. Worrier talaga ako, lalo na sa pamilya at kaibigan.

“Kaya sabi ko sa EP friend ko, ‘Pag meron na lang kayong gustong ikonsulta sa akin, kahit walang bayad, I’m willing to share!’

“Seryoso, nag-e-enjoy ako sa mga panahon ngayon na hawak ko ang oras ko. Ako ang boss ng sarili ko. At alam kong may boses ako, pinakikinggan ako whether they like me or not.

“Alam ko namang may mga problema pa ring dumarating, hindi naman talaga maiiwasan yon, pero alam mo yon? Magagaan na lang? Hindi na ako masyadong natetensyon.

“Mahalaga ang pera, oo. Kailangan pa ring kumayod para sa pamilya, lalo na sa panahon ngayon na hirap talaga ang buhay.

“Pero nakakahiya naman kung kayod marino ka all your life tapos hindi ka man lang nakapag-save for the future, di ba? Ako pa ba pagdating sa pag-iipon? Lalo na at may pamilya.

“Honestly? Ang gusto kong gawin o trabahuhin ay ‘yung gusto ko, ‘yung passion ko, pwedeng bago pero andu’n ang excitement. ‘Yung itsa-challenge ko pa ang sarili ko sa bagong journey that excites me para aralin at matutunan yon.

“Pwedeng maging failure pero matututo sa pagkakamali. Oo, me mga negosyo akong ang gullible ko lang. Sumosyo sa kanilang iniyayabang na negosyo o pagkakakitaan, pero nasunog lang ang pera sa chicken farm (Paging Pia Romeo, yung dyowa ni Terrence Romeo, hangad ko pa rin na makabayad ka) o sa casino junket na wala na ring bumalik.

“Mga charoterang palaka na makakapal ang mukha, pero ipinagpasa-Diyos ko na lamang. At ipinagdarasal ko na sana maayos pa rin sila at wag silang makarma tulad ng tatlong nanloko sa akin sa pera na binawian ng buhay, pero dahil sa kagagahan, kayabangan at kasamaan ng ugali siguro, kaya nategi.

“Anyway, at the end of the day, I can still smile, laugh and be with the people I like. Hindi naman ako nilugmok ng mga dagok sa buhay, humihinga pa rin at lumalaban nang patas sa buhay.

“53 na ako. Andu’n na ako sa point ng buhay ko na ang gagawin ko na lang ay what will make me happy and marunong naman na akong makuntento. For as long as walang sinasagasaang ibang tao.

“Bakit ba ‘ko nag-e-emote nang ganito? Wala lang. Ang sarap lang sa pakiramdam na sa edad kong ito ay nilalapitan pa rin ako ng maraming opportunities. At kaya ko nang tumanggi, piliin ang mga taong gusto ko lang na nasa paligid ko tulad ng pamilya at ilang piling kaibigan, dahil ang priority ko ay ang mental health ko,” tuluy-tuloy na pagbabahagi ni Ogie.

Ogie pinatunayan sa epal na bashers na bongga pa rin ang career sa ABS-CBN: Pasensya na po, matagal ‘to!

Long Mejia maraming dapat baguhin pag nagpa-manage kay Ogie Diaz: Anong gusto mo mala-Alden Richards?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pabidang netizen supalpal kay Regine: ‘Wait, ano bang akala mo sa asawa ko si SpiderMan?’

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending