Karagdagang kontribusyon sa Pag-IBIG Fund hindi itutuloy ngayong 2023
HINDI na muna ipatutupad ang dagdag-kontribusyon sa Pag-IBIG fund ngayong taon.
‘Yan ang inanunsyo mismo ng pamunuan ng Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) sa isang public briefing nitong January 6.
Ayon sa Department Manager for Public Media Affairs ng Pag-IBIG Fund na si Jack Jacinto, sinuspinde nila ito upang makatulong sa mga kababayan na hirap pa rin ngayon dahil sa epekto ng pandemya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Batid natin na patuloy na nag-re-recover ang ating mga miyembro, pati na rin ang ating business community, mula sa epekto ng pandemya at alinsunod na rin sa direktiba ng Pangulong Bongbong Marcos na bigyan ng financial relief ang ating mga kababayan, patuloy nating ipagpapaliban ngayong taong 2023 ang pagtaas ng kontribusyon ng ating mga miyembro at ng kanilang mga employer,” sabi ni Jacinto sa Laging Handa public briefing.
Para sa kaalaman ng marami, ang contribution rate na paghahatian ng empleyado at employer ay madadagdagan ng P100 hanggang P150.
Sa kasalukuyan, ang minimum monthly contribution ng Pag-IBIG members ay nasa P200.
So ang ibig sabihin, posibleng umakyat ng P300 hanggang P350 ang contribution rate sakaling ipatupad ang nasabing hike.
Matatandaang ito na ang ikatlong beses na kinansela ang contribution hike sa Pag-IBIG dahil sa pandemya.
Taong 1986 pa nang huling nagtaas ng contribution rate ang ahensya.
Ayon pa kay Jacinto, kahit hindi natutuloy ang dagdag-kontribution may “strong financial standing” naman ang Pag-IBIG kaya kayang-kaya pa rin nilang magbigay ng benepisyo at magpa-loan sa mga miyembro nito.
Ang nasabing pagpapaliban sa Pag-IBIG Fund ay matapos ipag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na i-postpone na muna ang pagtaas ng premium rates.
Read more:
Ice Seguerra, Liza Dino hindi na itutuloy ang paggawa ng sariling baby: Kulang sa funds!
Hamon ni Anjo kina Jomari at Abby: Magpa-lie detector test kami sa Camp Crame
Angelica…patron ng mga tanga sa pag-ibig, sa wakas nanalo na: ‘Prayer reveal naman diyan’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.