Mga manggagawa sa Central Luzon may P40 na dagdag-sahod simula Oct. 16
MAGANDANG balita para sa mga manggagawa natin sa Central Luzon!
Inanunsyo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na makakatanggap ng P40 na arawang dagdag na sahod ang mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ito ay epektibo sa pitong probinsya ng nasabing rehiyon.
Ang bagong kautusan ay nakatakdang ipatupad simula October 16.
Ayon sa RTWPB ng Central Luzon, ang daily wage para sa non-agricultural sector sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales ay tataas ng P500 mula sa P460 para sa mga establisyemento na may sampu o mas marami pang empleyado.
Baka Bet Mo: P40 na dagdag sa minimum wage aprub sa Metro Manila, ilang grupo nabitin: ‘Ang liit ng dinagdag!’
Kung mas mababa sa sampung trabahador, ang arawang sahod ay papatak sa P493 mula sa dating P453.
Ang sahod para sa plantation workers ay magiging P470 from P430, habang ang mga nasa non-plantations ay tataas ng P454 mula sa P414.
Ang mga nasa retail at service establishments na may sampu o pataas na staff ay magtataas ng sweldo sa P489 mula sa dating P449.
Iba rin ang magiging rates kung sa nasabing establisyemento ay mas kaunti ang empleyado sa sampu, ang kanilang sweldo ay magiging P475 na mula sa P435.
Magkakaroon din P40 wage boost sa probinsya ng Aurora.
Para sa mga hindi pa masyadong aware, mas mababa ang bigayan sa nasabing probinsya kumpara sa mga naunang nabanggit.
Para sa non-agricultural establishments sa Aurora, ang bagong arawang sahod ay nasa P449 na, habang ang mga nasa agricultural firms ay itataas na sa P434 at P422, at ang retail and service establishments ay magiging P384.
Ayon sa website ng RTWPB, ang dagdag-sahod ay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at dahil na rin sa mga natatanggap nilang petisyon mula sa ilang labor groups.
Samantala, patuloy ang panawagan ng militant labor group na Kilusang Mayo Uno na gawing P750 ang universal wage upang mas matulungan ang mga Pilipinong manggagawa.
Read more:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.