Catriona Gray backstage commentator sa 71st Miss Universe pageant; Olivia Culpo host na naman
USAP-USAPAN ng mga Pilipinong tagasubaybay ng pageants na baka mag-host ng ika-71 Miss Universe pageant si Catriona Gray nang ibunyag ng bagong may-ari ng Miss Universe Organization (MUO) na si Anne Jakrajutatip na babae ang magiging host ng patimpalak.
Dumalo kasi si Gray sa “One Universe” presentation sa Bangkok, Thailand, na itinanghal makaraang opisyal na ihayag na si Jakrajutatip na ang may-ari ng buong MUO noong Oktubre. Nandoon din si reigning queen Harnaaz Sandhu at former titleholders na sina Andrea Meza, Leila Lopes, at Nathalie Glebova, kasama si 2018 Miss Universe Spain Angela Ponce, ang unang first transgender woman na nakatuntong sa pandaigdigang entablado mula nang buksan ng Miss Universe pageant ang pintuan nito sa mga aplikanteng transgender noong 2012.
Makakasama nga sa coronation show si Gray, ang huling Miss Universe mula Pilipinas, ngunit bilang isang backstage commentator. Sasamahan siya ng Emmy Award-winning host at “American Ninja Warrior” presenter na si Zuri Hall, na correspondent din para sa “Access Hollywood.”
Magho-host si 2012 Miss Universe Olivia Culpo, na unang nag-host sa ika-69 Miss Universe pageant kasama si Mario Lopez. Para sa ika-71 edisyon ng pandaigdigang patimpalak, sasamahan siya ng isang pamilyar na mukha sa mga tagasubaybay ng pageants, ang Daytime Emmy winner na si Jeannie Mai-Jenkins.
Nagbigay na ng backstage commentary si Jenkins, host ng “The Real” at “America’s Test Kitchen: The Next Generation,” sa mga naunang edisyon ng Miss Universe pageant, at matatandaan sa komento niyang “yellow is the color of joy” patungkol kay 2013 Miss Universe third runner-up Ariella Arida mula Pilipinas sa evening gown competition ng patimpalak.
Nakatanggap ng batikos si Culpo dahil sa matamlay umanong pagho-host ng 2020 Miss Universe pageant sa Hollywood, Florida, sa Estados Unidos noong Mayo 2021. Nang pumutok ang balita ng kaniyang pagbabalik bilang host, nag-tweet ang Pilipinang 2014 Miss Universe Top 10 finisher na si Mary Jean Lastimosa: “Mareng Olivia bumawi kaaaa.”
Hindi lang ang pagsasanib-puwersa nina Culpo, Jenkins, Gray, at Hall sa harap ng camera ang all-female group na masisilayan sa palatuntunan. Ibinahagi ni Jakrajutatip sa isang naunang panayam sa Thai media na muli na namang magkakaroon ng juding panel na binubuo ng mga babae para sa ika-71 Miss Universe pageant.
Itatanghal ang coronation show ng ika-71 Miss Universe pageant, ang maituturing na edisyon nito para sa 2022, sa New Orleans Morial Convention Center sa New Orleans, Louisiana, sa US sa Enero 14 (Enero 15 sa Maynila).
Ang Italian-Filipino model at realtor na si Celeste Cortesi ang kinatawan ng Pilipinas sa 2022 Miss Universe pageant. May apat nang Miss Universe titleholders ang bansa—sina Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015), at si Gray (2018).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.