2 Miss World PH queens walang New Year’s resolution
SINALUBONG ng maraming Pilipino ang Bagong Taon sa pamamagitan ng mga pangakong nais nilang tuparin ngayong 2023. Ngunit dalawang reyna ng Miss World Philippines pageant ang umaming hindi sila naniniwala sa pagkakaroon ng New Year’s resolution.
“New Year’s resolutions, for me personally, I find that it makes me too lazy. Because if it’s once a year, I won’t make it happen,” sinabi ni reigning Miss World Philippines Gwendoline Fourniol sa isang panayam ng Inquirer kamakailan sa Joy-Nostalg Hotel and Suites Manila sa Ortigas Center sa Pasig City.
Sinang-ayunan naman siya ni Miss World Philippines-Charity Cassandra Chan, at sinabing “I’ve always believed in being a better person, but New Year’s resolutions, it doesn’t really work for me.”
Sa halip, sinabi ng dalawang reyna, nagtatakda sila ng mga target para sa sarili nang mas madalas at hindi lang tuwing nagtatapos ang taon.
“I have a resolution every day, a new one every day. I motivate myself to achieve goals every single day. So that makes me a better person overall,” ibinahagi ni Fourniol. Sinabi naman ni Chan na “I like having goals set every month. So I’m kind of like that.”
Sa ganitong paraan, tila dumadali ang pagkamit ng mga target, sapagkat may mga tao ring nalulula sa mga matatayog na pangarap.
“I feel like if you’re too set on doing better in January, February, you know, it pressures you,” ipinaliwanag ni Chan.
Sumang-ayon si Fourniol, at sinabing “today’s a new day, of course every year is a new year, but you really have to take it day by day. Don’t pressure yourself.”
Hindi na kailangan pang pagdudahan na ito ang nakaugalian nang gawin ng dalawang reyna. Inilahad ni Fourniol, “as beauty queens, we have to be organized with our time, with our goals and
ambitions.”
Nasungkit ng French-Filipina beauty mula Himamaylan, Negros Occidental, ang korona makaraan ang dalawang magkasunod na pagsali sa Miss World Philippines pageant. Kakatawanin niya ang bansa sa ika-71 Miss World pageant na inaasahang maitatanghal sa taong ito.
Tatangkain ni Fourniol na masungkit ang koronang kasalukuyang taglay ni Karolina Bielawska mula Poland, na nagwagi sa ika-70 edisyon ng patimpalak na nagsimula noong Disyembre ng 2021, naantala ng pagkalat ng COVID-19 sa mga kandidata at kawani, at itinuloy noong Marso 2022.
Nakatakda sanang magsalin ng korona si Bielawska noong 2022 rin, ngunit nagpasya ang Miss World Organization (MWO) na huwag munang magsagawa ng isa pang patimpalak nang wala pang isang taon ang nakalilipas, at sa halip ay inilipat ang pagtatanghal sa taong ito.
Sa kasalukyan, si Megan Young pa lang ang nakapag-uuwi ng korona ng Miss World sa Pilipinas. Nagwagi siya sa ika-63 edisyon ng patimpalak na itinanghal sa Indonesia noong 2013.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.