PAGASA: Walang bagyo, pero asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa ilang lugar
WALA nang nagbabadyang bagyo sa Pilipinas ngayon pagsalubong ng Pasko, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa isang press briefing ngayong December 24, inanunsyo ng ahensya na wala na silang binabantayang sama ng panahon.
“Kahapon [Dec. 23] ng umaga ay tuluyan ng nalusaw ang low pressure area na ating mino-monitor sa ating Philippine Area of Responsibility at sa kasalukuyan, patuloy ang pag-iral nitong northeast monsoon sa malaking bahagi ng Luzon,” sey ni PAGASA Weather Forecaster Daniel James Villamil.
Bagamat walang bagyo ngayong kapaskuhan ay nilinaw ng weather bureau na magkakaroon pa rin ng mga mahinang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa dahil naman sa ilang weather systems, gaya ng hanging amihan, shearline at easterlies.
Sabi ng weather forecaster, “Sa kasalukuyan ay makikita din natin dito sa ating latest satellite images itong makakapal na kaulapan sa malaking bahagi ng ating bansa ay ang epekto naman nitong shearline o pagsasalubong ng hangin o ‘yung malamig na hangin ng amihan at itong mainit na hangin ng easteries o hangin galing sa karagatang pasipiko.”
“Ang pagsasalubong na ito ay magdadala ng maulap na karagatan at kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dito sa Bicol region, sa buong kabisayaan, pati na rin dito sa Palawan at sa bahagi ng Dinagat Island,” aniya.
Patuloy pa ni Villamil sa presscon, “Dahil naman sa amihan ay asahan ang maulap na kaulapan na may pag-ulan sa bahagi naman ng Cagayan Valley, sa Cordillera Administrative region, sa bahagi ng Aurora at sa Quezon.”
Magiging maganda naman ang panahon sa Metro Manila, pero hindi mawawala ang posibilidad na may konting ulan na mararanasan.
“Sa Metro Manila at the rest of Luzon ay mas maaliwalas ang panahon na ating mararanasan o kung may pag-ulan man tayong inaasahan, ito ay ‘yung mga light rains o pag-ambon man lang,” ayon sa PAGASA.
“Sa nalalabing bahagi ng Mindanao, ang mga pag-ulan ay dulot ng localized thunderstorms. Ito ‘yung mga pag-ulan na kadalasan nangyayari simula hapon hanggang sa gabi,” dagdag pa ni Villamil.
Read more:
#PushPaMore para sa ipinaglalabang ‘DDR’ ni Lucy Torres
Sigaw ni Andrea Torres: May himala!
Paolo sa bagong Bubble Gang: Kailangan mas maingat dahil mas balat-sibuyas ang mga tao ngayon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.