Viral na ‘to: ‘Teacher Santa’ target tuparin ang Christmas wish ng 20 estudyante
ILANG araw na lang ay ipagdiriwang na natin ang pinakaaabangang okasyon ng mga Pinoy – ang Pasko!
Dahil diyan ay nagsulputan na naman ang ilang good samaritans upang lalong pasayahin ang magiging selebrasyon ng ilang mahihirap natin kababayan ngayong taon.
Isa na riyan si Teacher Melani Reyes Figuerao o mas kilala bilang “Teacher Santa” ng Iligan City.
‘Yan ang bansag sa kanya dahil tila naging panata na ni Teacher Melanie na mamigay ng mga regalo sa mapipili niyang maswerteng mga estudyante.
Sey pa nga ng guro, “Hindi ito ang unang pagkakataon. I guess sinimulan ko to mga 7 or 8 years ago pa. Ngayon lang din nag viral. May mga time po pala sa lahat.”
Dagdag pa niya, “Minsan nga po umaabot ako ng hanggang 26 wishes. Pero for this year, 20 ang target kong matupad.”
As of this writing ay labing lima na ang nabibigyan ng regalo ng teacher.
Na-interview ng BANDERA si Teacher Melanie at naitanong nga namin kung bakit niya naisipan gawin ito tuwing sasapit ang kapaskuhan.
Sagot niya sa amin, “Naisipan kong gawin ang proyektong ito dahil nakita ko kung gaano kahirap para sa isang estudyante ang salat sa anumang bagay. ‘Yun bang nakikita nila sa iba ang mga bagay na wala sa kanila and feeling ko iba sa pakiramdam ‘yun.
“Gusto ko po kasi kahit paano magkaroon ng pagkakapantay-pantay lalo na sa level nila,” aniya.
Lahad pa ng butihing guro, “Hindi naman nila ginusto na maging ganyan pero nasadlak sila sa ganyang sitwasyon nang walang kalaban-laban.
“So kahit papaano hindi man lahat mapagkalooban ko pero at least meron tayong napasaya lalo na sa pinakamasayang season ng taon, ang Pasko po.”
Chinika pa nga sa amin ni Teacher Melanie na hindi lang puro estudyante niya ang binibigyan niya ng regalo, kundi pati na rin ang iba pang estudyante na makikita niyang talagang hirap sa buhay.
Chika niya sa BANDERA, “Hindi man kami magkakilala ng bata personally kasi hindi naman sila under sa akin ‘yung iba.
“‘Yun bang makikita mo sa mukha ng bata ang kasiyahan habang tinanggap niya ang regalo and at the same time pagkabigla kasi ‘di naman kami magkakilala. Nakita ko lang sila dito sa school.”
Dagdag pa niya, “Siguro para mas ganahan at inspired sila pumasok sa kabila ng struggles sa buhay at this early.”
Hindi rin daw tulad ng mga ibang bata, ang madalas hilingin daw sa kanya ay ‘yung mga pangangailangan nila sa eskwelahan o pang araw-araw, gaya ng mga damit, sapatos, bigas, at marami pang iba.
Sey ng teacher, “Nagulat po ako sa mga klase ng hinihiling ng mga students, mostly school uniforms, black shoes, mga damit, at mga pagkain, bigas. Mga ganoon po ngayong year na ‘to.
“Actually very basic, ‘di ba kung tutuusin ay mga wants kadalasan ang hiling ng ilan pero sa amin dito mga needs ang wish nila.”
“Ito po talaga ang factor kung bakit ko sinimulan ang mga proyekto ko.
“Ang mabigyan ng chance ang ibang bata na sabihin nating deprived sa ganitong mga bagay. Sarap sana kung pantay ang lahat kaso hindi ganoon ang sistema,” aniya.
Nabanggit nga kanina na 20 students lang ang mabibigyan ni Teacher Melanie ngayong taon, siyempre naging curious kami kung paano niya pinipili ang mga ito sa napakaraming estudyante sa kanyang probinsya.
Sagot niya, “Ang unang-una ko tinitingnan talaga is physical. Kapag nakita ko ang sirang sapatos, lumang uniform, sirang bag, damit na ‘di na maganda pero sinusuot pa. ‘Yan ang mga unang tinitignan kaya anuman ang sabihin niya tungkol sa pamilya at pamumuhay nila alam ko kailangan ko siya tulungan.”
Dagdag pa niya, “‘Di naman po kalakihan ang tulong na naibibigay ko kasi pang one time lang naman pero alam ko po may impact ito sa pagkatao niya at ‘yun po ang importante doon.”
Sa huli ng aming interview with Teacher Melanie ay may mensahe siyang nais ipaabot sa publiko, lalo na sa mga kababayan na may kaya sa buhay.
Sey niya, “Ang Pasko ay minsan lang dumating sa isang taon. Halos lahat ng tao ay looking forward palagi sa season na ‘to. Lahat masaya po tayo pag ganito maliban sa mga bata na kagaya ni Mark, Gabriel, Amy , Matt, Jonathan, Andelson at mga kapatid niya, Jay, Nathaniel , Jam, Jayson, Angel, Rene at ang mga milyon-milyong kagaya nila na nagnanais ding maging masaya subalit pinagkaitan ng pagkakataon, sana mapasaya natin sila sa kahit anong paraan Pasko man o hindi.”
Dati nang nag-viral si Teacher Melanie dahil sa ginintuan niyang puso.
Namigay siya ng mga brand new laptop para sa ilang mahihirap na estudyante na walang magamit sa kasagsagan ng pandemya.
Related chika:
Ilang celebs game na game sa viral ‘Wednesday’ dance sa socmed
#LumpiaKayoDiyan: Viral recipes with a twist ni ‘Lumpia Queen’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.