Mga reyna ng iba’t ibang pageants nagsama-sama sa isang ball
TILA isang “mashup” ng beauty pageants ang nangyari sa “Queens Charity Ball” ng Aces and Queens beauty camp sa grand ballroom ng Okada Manila sa Parañaque City noong Okt. 9 dahil sa pagsasama-sama ng beauty queens mula sa iba’t ibang organisasyon.
Kasama sa hanay ng mga kinilalang “empowered women” sina Miss Universe Philippines National Director Shamcey Supsup-Lee na third runner-up din sa 2011 Miss Universe pageant sa Brazil at kapwa niya alumna ng Bb. Pilipinas pageant na si 2005 Miss International Precious Lara Quigaman-Alcaraz na kabilang na ngayon sa executive committee ng Bb. Pilipinas Charities Inc. Kasama rin nila sina Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino, 2021 Miss Universe Philippines First Runner-up at ikalimang Asia’s Next Top Model winner Maureen Wroblewitz, at 2022 Mrs. Universe Philippines Foundation-Pacific Continental at The Pretty You clinic CEO Jessa Macaraig.
Nagsilbing co-chairs ng ball ang general manager ng camp na si Mikee Andrei at head makeup artist na si Jim Ryan Ross, na nagsabing isinagawa ang pagtitipon upang bigyang-pugay ang ambag ng Aces and Queens sa Philippine pageantry. Kabilang sa mga naging alaga nila ang una at natatanging Pilipinang Miss World na si Megan Young na nagwagi noong 2013 sa Indonesia, 2015 Miss Universe Pia Alonzo Wurtzbach na pumutol sa 42-taong tagtuyot sa korona para sa Pilipinas sa nasabing pageant, at si Kylie Verzosa na naging ika-anim na Pilipinang hinirang bilang Miss International nang magwagi siya sa Japan noong 2016.
Sa nasabing camp din nagsanay sina Supsup-Lee at Wroblewitz para sa kani-kanilang pagsalang sa pageantry. Aces and Queens din ang humubog kay Venus Raj, na nagsimula sa kasalukuyang streak ng Pilipinas sa Miss Universe pageant nang hirangin siyang fourth runner-up noong 2010 at ipinagpatuloy hanggang ngayong taon ni Beatrice Luigi Gomez na nagtapos sa Top 5.
Si Gomez ang nagsilbing finale model para sa fashion show ng bridal collection ni Andrei sa ball, at kasama niyang rumampa ang mga kapwa reyna ng 2021 na sina Miss World Philippines Tracy Maureen Perez at Bb. Pilipinas International Hannah Arnold.
Tampok din sa fashion show sina reigning Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo at first runner-up Stacey Gabriel, reigning Mutya ng Pilipinas-Asia Pacific International Klyza Castro at dating Mutya queen Hannah Khayle Iglesia, Miss Supranational Philippines titleholders Dindi Pajares (2021) at Alison Black (2022), Miss Eco Teen Philippines titleholders Tatyana Austria (2021) at Beatrice Mclelland (2022), reigning Miss Eco Philippines Ashley Subijano, at ilang dating kalahok sa iba’t ibang national pageants.
Katuwang ng Aces and Queens para sa ball ang Rotary International District 3830 bilang advocacy partner. Mapupunta ang kita ng ball sa Project REACH na naglalayong magpaaral ng mga maralitang bata.
Inilunsad din ni District Gov. Mildred Vitangcol sa ball ang 2023 Miss Rotary International katuwang ang Aces and Queens, na nagsusulong din ng edukasyon para sa mga bata, at nagtutulak ng women empowerment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.