‘Best Dancer’ ng Bb. Pilipinas 2 araw lang nag-practice
MARAMI ang namangha sa pagtatanghal ni Christine Juliane Opiaza ng modern belly dance sa saliw ng mga awitin ng Pussycat Dolls sa talent competition ng 2022 Binibining Pilipinas, kaya tila matagal na niya itong inensayo.
“Pinraktis namin ng two days, kami ng mga backup (dancers) ko,” ibinahagi niya sa Inquirer pagkatapos ng press presentation na isinagawa sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City noong Hulyo 5.
Itinanghal ang talent competition sa New Frontier Theater sa Araneta City sa Quezon City noong Hunyo 23, dalawang araw makaraang hirangin si Opiaza bilang “Best Dancer” sa P-pop dance workshop ng mga kandidata.
“Medyo pressure kasi ‘best dancer’ nga. So you should do a great performance. So iyon naman talaga iyong goal natin to really give a great performance during the talent competition. So I hope I made everyone proud also, and enjoyed the performance,” ani Opiaza.
Sinabi pa ng kandidata mula Zambales na nagpasya lang siya kung ano ang itatanghal sa talent competition sa mismong araw ng workshop. “Isa sa team ko na gumagawa rin ng hair ko si Mommy Nicole Mananquil (ang choreographer) ko. So I’m really, really thankful nandiyan siya, na-incroporate lahat ng movements na gusto ko ring masama doon sa talent,” paglalahad niya.
Nag-aaral pa lang siya sa elementarya, bahagi na si Opiaza ng isang dance group. “Pero the kind of genre is hiphop and crumping. Pero I have the basics siguro ng dancing, so it contributed to my performance,” aniya.
Sinabi ng dating Miss Bikini Philippines na ikinagulat niya ang mainit na pagtanggap ng mga manonood sa pagtatanghal niya, dahil nga sa dalawang araw lang siyang nagpraktis, at “alam kong konti lang ang [supporters ko] na present during that time,” pagpapatuloy pa niya.
Muling masisilayan ang pag-indak ni Opiaza sa opening number ng 2022 Bb. Pilipinas grand coronation night, kung saan inaasahang magsasayaw ang lahat ng 40 kandidata. Itatanghal ito sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City sa Hulyo 31. Mapapanood ito nang live sa Kapamilya Channel, Metro Channel, TV5, at A2Z, at may real-time streaming din sa iWantTFC at sa opisyal na YouTube channel ng Bb. Pilipinas.
Apat na korona ang pinaglalaban sa patimpalak ngayong taon—Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas Intercontinental, Bb. Pilipinas Globe, at Bb. Pilipinas Grand International.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.