Ang mga kamag-anak ni Noynoy | Bandera

Ang mga kamag-anak ni Noynoy

- May 11, 2010 - 02:13 PM

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

NAPAKA-estupido noong taong nagsampa ng kaso laban kay actor Robin Padilla dahil sa kanyang pag-endorso ng isang brand ng condom.
Itong si Jo Aurea Imbong, senatorial candidate ng Kapatiran party, ay nagpapakilala lang sa publiko dahil wala siyang pangalan.
Wala namang masama na magpakilala siya sa publiko dahil siya’y kandidato pagka-senador, pero dapat ay piliin niya ang isyu.
Katawa-tawa tuloy itong si Imbong sa kanyang ginawang pagdedemanda kay Robin sa Quezon City Regional Trial Court.
Anong krimen ang meron sa pag-endorso ng condom?
Di ba pagbusal sa free speech ang ginawa ni Imbong sa pagsasampa ng kaso kay Robin?
* * *
Maraming kabutihan ang ginagawa ng condom:
–Pinipigilan nito ang unwanted pregnancy.
–Pinipigilan nito ang pagkakasakit ng venereal diseases gaya ng gonorrhea, syphilis at ang kinatatakutang AIDS.
Hindi ba kabutihan lang ang ginagawa ng condom?
* * *
Iniutos ng Simbahang Katolika, na kinokontra ang Reproductive Health Bill sa Kamara at Senado, na kasalanan ang birth control sa pamamagitan ng paggamit ng condom at pills.
Bakit, sinabi ba ng Diyos na kasalanan ang birth control? Kailan Niya sinabi ito at saan?
Kung ang Simbahang Katolika ang maysabi na kasalanan ang birth control at hindi ang Diyos, walang silbi ang kautusan na huwag mag-birth control.
Ang totoo niyan, kasalanan ang manganak nang manganak at hindi makapagsuporta ng mga bata.
Kasalanan ang hindi mapakain, mapaaral at mabigyan ng kalinga ang bata dahil sa kahirapan.
Bakit gusto mong magkaroon ng anak kung hindi mo ito mabibigyan ng magandang kinabukasan?
Itinuturo ng Simbahang Katolika ang pagiging irresponsable ng mga magulang na maraming anak kahit na sila’y mahirap.
Hindi natin mapipigilan ang kalibugan dahil likas sa tao ang kamunduhan, pero mapipigilan natin ang pagdating ng mga bata na hindi natin mapakain, mapag-aral at mabigyan ng kalinga sa pamamagitan ng birth control methods.
Huwag kayong maniwala sa mga pari at obispo kapag ang usapan ay pagpapamilya dahil hindi nila alam ang hirap ng pagpapamilya.
Sundin mo ang iyong konsensiya at huwag ang simbahan.
* * *
“Humayo kayo at magpakarami,” sabi ng Bibliya.
Ito ang palaging batayan ng simbahan upang mangaral ng birth control.
Sinabi raw ni Jesus kelangang madagdagan ang sangkatauhan.
Noon yun dahil kakaunti pa ang tao.
Hindi na ito applicable ngayon dahil pumuputok na ang mundo dahil sa malaking populasyon.
Ang ibig sigurong sabihin ni Jesus ay ikalat ng Kanyang mga disipulos ang Kanyang mga pangaral sa mundo upang dumami pa ang mga taong makakaalam tungkol sa Diyos.
* * *
Kung totoo ang mga resulta ng survey at siya’y mananalo, sana’y huwag niyang buhayin ang Kamagnak Inc. na naghari-harian noong panahon ng kanyang ina.
Kahit na malinis at tapat sa tungkulin si Pangulong Cory, may ilan siyang mga kamag-anak na nagkamal ng salapi sa pangungurakot.
Kapag siya’y naluklok sa Malakanyang, dapat ay huwag bigyan ni Noynoy ng puwesto ang kanyang mga kamag-anak.
Huwag din niyang payagan ang kanyang mga kamag-anak, maliban sa kanyang mga kapatid, na palapitin sa Palasyo.
Ganoon kawalanghiya ang mga miyembro ng Kamaganak Inc. noong panahon ni Pangulong Cory.
Huwag sanang gumaya si Noynoy kay Erap sa kanyang inaugural speech na nagsabing hindi niya bibigyan ng pabor ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan.
“Walang kai-kaibigan at walang kama-kamaganak” daw sa kanyang administrasyon, sabi ni Erap.
Pero di kalaunan, ang mga kamag-anak at kaibigan ni Era pa ang nagpatakbo ng gobyerno habang siya’y naglasing at nagtampisaw sa kaligayahan sa piling ng kanyang mga kalaguyo.
Lahat ng bisyo kasi ay nasa kay Erap—alak, sugal, sigarilyo at babae.
Si Noynoy ay sigarilyo lang ang bisyo, pero mas hahangaan siya kapag itinigil niya ang paninigarilyo.

Bandera, Philippine News, 051110

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending