Panukalang pagtatayo ng PUP Caloocan City North campus, pasado na sa Senado
Pasado na sa Senado ang anukalang pagtatayo ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Caloocan City North.
Ipinasa sa ikatlong pagbasa ang PUP-Caloocan City North Campus na ipinanukala ni Caloocan First District Congressman Along Malapitan bilang House Bill no. 5739 o “An Act Establish a Campus of the Polytechnic University of the Philippines (PUP) in Caloocan City-North, to be known as Polytechnic University of the Philippines (PUP) Caloocan City-North Campus, and Appropriating Funds Therefor.”
Sinabi ni Along na bahagi ito ng kaniyang pagpupursigi na mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang bawat bata sa Caloocan. Ang bagong unibersadad sa lungsod ay magkakaroon ng mga programang short-term vocational, undergraduate at graduate courses. Gayundin ang pagsasagawa ng research at extension services kabilang ang open distance learning.
Kauna-unahan itong leading state university na itatatag sa CAMANAVA area na naglalayong madagdagan ang mga libreng kolehiyo sa lungsod, gayundin ang mga kurso na maaaring tahakin ng mga mag-aaral sa Caloocan at mga nais magpatuloy ng kanilang pag-aaral sa mas mataas na antas dahil ito’y may probisyon para sa graduate school.
“Naniniwala po talaga ako, noon pa man na edukasyon ang mag-aangat sa kalidad ng buhay ng bawat tao. Kaya naman, sa aking maliit na kaparaanan, patuloy akong maghahanap ng paraan para makatapos ang mga estudyante sa Caloocan,” aniya.
“Ang aking pangako ay walang batang maiiwan sa larangan ng edukasyon sa Lungsod ng Caloocan. Itong mga batas na ating ipinapanukala at pinagpupursigihang lubusang maging batas—ito ang patunay ng ating dedikasyon sa larangan ng edukasyon,” dagdag pa ng mambabatas.
Nauna rito, nagpanukala si Along ng ordinansang libreng matrikula para sa mga mag-aaral ng University of Caloocan City at tuloy-tuloy din ang kaniyang mga programa tulad ng tulong-edukasyon para sa mga estudyanteng higit na nangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.