Mark Anthony binigyan ng ‘expiration date’ ang ‘pagbabalikan’ nila ni Claudine: Pag lumagpas ng 4 years, wala na!
Claudine Barretto at Mark Anthony Fernandez
TILA nagbigay agad ng deadline ang dating matinee idol na si Mark Anthony Fernandez sa posibilidad ng pagbabalikan nila ng ex-girlfriend na si Claudine Barretto.
Sabi ng aktor, posibleng magkaroon ng part 2 ang love story nila ni Claudine pero nagbigay nga siya ng “expiration date” kung hanggang kailan lamang ito maaaring mangyari.
Hirit ng aktor, kapag hindi pa sila nagkabalikan ni Claudine sa susunod na tatlo hanggang apat na taon, mukhang hindi na pwedeng magkaroon ng sequel ang kanilang love story.
“Posibleng magkabalikan kung mangyayari in the next three or four years. Pero kapag lumagpas na doon, parang imposible na, yun lang ang iniisip ko,” pahayag ni Mark sa ginanap na virtual mediacon ng reunion movie nila ni Claudine under Viva Films, ang “Deception.”
Aniya pa, “Kapag hindi kami nagka-loving-loving in the next three years, wala nang mangyayaring ganoon, co-actors na lang kami.
“Pero kapag in the next three years or four years, nagka-jelling-jelling kami, puwede. Pero beyond that, hindi na ako aasa pa,” diin pa ng aktor.
Naging magdyowa sina Mark at Claudine noong mga teenager pa sila at pareho nang 42 years old ngayon. Kung hindi kami nagkakamali, single pa rin ang mga bida ng suspense-drama Vivamax original movie na “Deception” until now.
Samantala, dahil nga tungkol sa panlilinlang ang kanilang reunion movie, natanong din ang aktor sa presscon kung nabiktima na rin ba siya ng mga manloloko.
Oo raw, sagot ni Mark. Minsan na siyang na-scam nang bumili siya ng relo sa isang shopping mall.
“One time, bumili ako ng watch. ‘Ano itong binibili ko?’ sabi ko.
“’Pilot watch,’ sabi niya (sales clerk). Sabi niya, ‘Bilhin mo, mura lang ‘yan.’
“E, di binili ko. The next day, 12 noon, tumigil yung relo. Bumalik ako sa mall. Sabi ko, ‘Sir, sir tumigil (relo) ng alas-dose, e.’
“Sabi niya, ‘Ano ba yung binili mong relo?’ Sabi ko, ‘Pilot watch.’ Sabi niya, ‘E, di ba ang piloto, kapag alas-dose, nagla-lunch?’” chika pa ni Mark, na hindi namin alam kung totoo ang kuwento niya o nagdyo-joke lang.
View this post on Instagram
Samantala, ang “Deception” ay isang drama-mystery film at iikot ang kuwento kina Rose (Claudine) isang sikat na aktres, at ni Jericho (Mark Anthony) isang stunt double, na nahulog sa isa’t isa at nagpakasal.
Nagkaroon sila ng anak at pinangalanang Thomas. Kung titingnan, isa na itong maayos na pamilya na puno ng pagmamahal, ngunit unti-unting masisira.
Maaakusahan si Rose sa salang pagpatay sa kanyang asawa at makukulong ng 10 taon. Sa pagkakakulong ni Rose at pagkamatay ni Jericho, ang kanilang anak ay dadalhin sa bahay ampunan at mamumulat sa mundo nang walang magulang.
Paglaya ni Rose, susubukan niyang magsimula ulit at buoin ang mga bagay na nawala sa kanya, isa na rito ang paghahanap sa kanyang anak na binatilyo na. Pero sa pagbabagong hangad ni Rose ay babalik ang sakit ng nakaraan at malalantad ang mga kasinungalinang nangyari noon. Malalaman din niya ang puno’t dulo ng pagkasira ng halos perpekto niyang buhay.
Ang pelikulang ito ay obra ng award-winning director na si Joel Lamangan at mapapanood na sa Vivamax simula sa Jan. 28.
https://bandera.inquirer.net/302751/mark-umaming-love-pa-rin-si-claudine-bet-uling-manligaw-hindi-pa-naman-huli-ang-lahat
https://bandera.inquirer.net/302766/claudine-kay-mark-anthony-lalo-siyang-gumaling-bilang-aktor-at-mas-bumait-pa-siya
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.