‘Pagpanaw’ ni Kris Aquino fake news, tuloy ang pagpapagamot sa US
HABANG sinusulat namin ito ay nakausap namin si Alvin Gagui, ang chief of staff ni Kris Aquino para kumustahin ang mama nina Joshua at Bimby Aquino na ang huling post niya sa kanyang Instagram account ay noong January 11.
Katatapos lang ng mediacon ng “The Wife” nang makatanggap kami ng sunud-sunod na tanong kung kumusta na si Kris at alamin daw namin kung anong nangyari dahil may balitang wala na siya.
Binalikan namin ng tanong ang nagtanong kung anong ibig sabihin ng ‘wala na?’ Sabi pa nga namin ay kung umalis na ba ng bansa kasi nga plano niyang pumunta ng Amerika para sa kanyang medical condition base na rin sa kuwento ni ‘Nay Cristy Fermin sa kanyang online show na Cristy Ferminute kasama si Romel Chika.
At iyon nga, “tsugi na raw” ito ang sabi sa amin kaya kaagad naming tinawagan ang dating editor namin na si Dindo Balares na halos araw-araw ay kausap ni Kris pero hindi kami sinasagot kaya bigla kaming kinabahan tuloy.
Nakailang missed calls kami kay bossing Dindo pero hindi kami sinasagot kaya mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib namin.
Hanggang sa naisip naming tawagan si Alvin, kanang kamay ni Kris at bungad nga namin nang sumagot siya ay, ‘kumusta si Madam?’
View this post on Instagram
“Okay naman. Nagpapahinga, bakit?” sagot ni Alvin.
Binanggit namin na may kumalat na ‘wala na’ nga si Kris kaya tinawagan namin siya.
“Okay naman nagpapahinga siya. Heto marami ngang pinagagawa pa,” sambit pa ni Alvin.
Natanong namin kung tuloy ang pagpunta niya ng Amerika, “inaayos pa, may mga inaayos pa.”
Kasama rin ba si Alvin sa pagpunta, “inaayos din.”
Nakuwento rin naman ni ‘nay Cristy na hindi madaling umalis ng bansa ngayon si Kris dahil may karamdaman siya kaya ang gobyerno na raw ang gumagawa ng paraan para makarating siya ng Amerika at ginamit na nga ay medical emergency na kapag ito ang termino ay prayoridad ito dahil kalusugan ang pinag-uusapan.
Nu’ng isang araw ay nasambit din ni ‘nay Cristy na alagang maraming inaayos pa para makaalis si Kris dahil nga tumataas ang kaso ng COVID19 sa Amerika at sa ibang parte ng mundo kaya tripling pag-iingat ang ginagawa ng lahat.
Hayan malinaw na para sa mga nag-aalala tungkol kay Kris Aquino ay okay naman siya at nagpapahinga at monitored naman siya ng kanyang duktor.
Related Chika:
Kris Aquino may ‘medical emergency’, pupunta sa Amerika para magpagamot
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.