Decision ng COMELEC sa Marcos cases hindi pa tapos
Ibang Pananaw - January 19, 2022 - 12:02 PM
Ibinasura ng COMELEC (2nd Division-Commissioners Inting, Kho at Bulay) nitong Lunes ang petition na inihain ng civic group (Fr. Christian Buenafe, et al.) laban kay dating senador Ferdinand Marcos Jr. para kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) nito sa pagkapangulo. Para sa COMELEC, walang false material representation na ginawa ang dating senador ng sinabi nito sa kanyang COC na pwede itong tumakbo sa pagkapangulo bagamat alam nitong hindi ito qualified dahil sa conviction nito sa mga tax cases.
Hindi tayo sang-ayon sa naging decision ng COMELEC lalo na ang naging basehan nito ngunit atin itong iginagalang.
Para sa kaalaman ng iba, ang kasong denisisyunan ng 2nd Division ng COMELEC ay isa lang sa ilang kasong hinaharap ng dating senador, at iba ito sa kasong nakabinbin sa 1st Division ng COMELEC. Ang kasong nakabinbin at anumang araw ay madidisisyunan na ng 1st Division na pinamumunuan ni Commissioner Guanzon ay ang pinagsamang tatlong (3) disqualification cases laban dito. Sa mga naghain ng reklamo, ang dating senador ay hindi maaaring tumakbong pangulo ayon sa batas dahil ito ay nahatulan (convicted) ng korte sa kanyang mga tax cases (failure to file income tax returns) na may kalakip na parusang (accessory penalty) habang buhay na hindi maaaring humawak o manilbihan sa pampublikong tanggapan (perpetual disqualification from holding public office).
Tiniyak na ng abogado ng civic group na maghahain ito ng kanilang Motion for Reconsideration (MR) sa decision na inilabas ng 2nd Division at alinsunod sa COMELEC Rules of Procedures ang MR ay didinggin naman ng COMELEC en banc o ng pitong commissioners na kinabibilangan nina Chairman Abbas, Commissioners Guanzon, Kho, Inting, Bulay, Cosquejo at Ferolino.
Anuman ang maging resulta ng MR at decision na ilalabas ng 1st Division (COMELEC) sa disqualification cases ay tiyak namang dadalhin ng sinumang partido sa Korte Suprema. Habang nakabinbin ang mga kasong ito, may mga kaganapan na maaaring mangyari bago o matapos mag-eleksyon sa May 9 na bagamat ayaw natin o hindi natin hinahangad o ninanais mangyari ay maaaring maganap, tulad ng kamatayan.
Ang kamatayan ay tiyak na mangyayari at kung ito nga ay mangyari kay dating senador Marcos Jr, o kahit sa sinumang kandidato sa pagkapangulo, ano ang mangyayari sa kandidatura nito o nila sa pagkapangulo?
Scenario 1. Namatay bago mag-eleksyon sa May 9. Pwedeng magkaroon ng substitution o kapalit bilang kandidato sa pagkapangulo. Ang requirement lang ay magkapareho ito ng apelyido at siyempre dapat nagtataglay din ito ng mga qualification na tinakda ng constitution gaya ng edad, residency etc,. Kaya maaaring mag-substitute si Senator Imee Marcos o yung kanyang asawang si Atty. Liza Marcos, o sinumang Marcos bilang kandidato sa pagkapangulo.
Scenario 2. Namatay pagkatapos na maproklama ng Kongreso (acting as National Board of Canvasser) na nanalong pangulo (President-elect) sa May 9 election ngunit namatay bago magsimula ang termino sa tanghali ng June 30. Ang nananalanging Vice-President-elect o yung naproklamang nanalong bise-presidente ng Kongreso ang magiging ganap Pangulo na maglilingkod sa loob ng anim na taon.
Scenario 3. Kumplikado naman kung ang kamatayan ay mangyayari pagkatapos ng election sa May 9 PERO BAGO makapag-proklama ang Kongreso kung sino ang nanalo sa pagkapangulo, o kung sino ang President-elect. Totoo na ayon sa constitution, ang halal na bise-presidente (VP-elect) ang hahalili muna bilang acting president pagdating ng tanghali ng June 30 hanggang makapili (chosen) at marapat (qualified) ang halal na Pangulo. Pero sino sa mga kandidatong presidentiable ang ipoproklama ng Kongreso bilang President-elect? Yung nangunguna sa bilangan sa boto ngunit patay na? Tiyak hindi naman yung pumangalawa lang sa bilangan ng boto. Hayaan na natin ang Korte Suprema ang sumagot nito.
Iba naman ang sitwasyon kung magkakaroon ng isang final judgment (o decision) na manggagaling sa Korte Suprema (o Presidential Election Tribunal), o sa COMELEC sa mga kaso ng dating senador bago o pagkatapos ng election sa May 9.
Scenario 1. Bago mag-eleksyon nagkaroon ng final judgment (SC o COMELEC) at dineklarang disqualified itong tumakbo bilang pangulo. Maaaring magkaroon ng substitution basta parehong apelyido. Kaya sa ganitong sitwasyon maaaring pumalit si Senator Imee o si Atty. Liza at iba pang qualified na Marcos.
Scenario 2. Bago mag eleksyon nagkaroon ng final judgment (SC o COMELEC) at kinansela (cancelled) ang COC ng dating senador. Walang substitution na maaaring mangyari dahil ang isang cancelled COC ay maituturing na walang naihain na COC kaya walang mapapalitan na kandidato
Scenario 3. Nadeklarang President-elect at kasalukuyan nang nanunungkulan bilang Pangulo ang dating senador ngunit nagkaroon o lumabas ang final judgment (SC, Presidential Election Tribunal) kung saan dineklarang void ang COC nito o disqualified ang dating senador. Ang pinagpalang nananalanging Vice President kung sino man ito ang papalit bilang bagong Pangulo ng bansa.
Pagpalain sana tayo ng tadhana at magsabwatan ang sanlibutan para mabiyayaan tayo at ang ating bansa ng isang tapat, matino, patas at makatarungang bagong Pangulo sa darating na halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.