Banat ni Robin sa nagsabing pang-Grade 6 ang plataporma sa 2022: Puro kwento wala namang kwenta!
Robin Padilla
INALMAHAN ng action star na si Robin Padilla ang pangmamaliit ng mga netizens sa kanyang plataporma bilang kumakandidatong senador para sa May, 2022 elections.
Ayon sa kanyang mga kritiko, para raw pang-Grade 6 lamang ang pagkakabuo ng kanyang mga plano sakaling mahalal na senador sa darating na eleksyon.
Ang ilan sa mga nakasaad sa kanyang plataporma bilang senatorial candidate ay ang mabigyan ng mga disenteng trabaho ang mga Filipino, pagkain, at pabahay.
“Ako po maayos ko lang po ang basic needs ng mga Pilipino katulad po ng pagkain sa lamesa, tamang sahod nila, may tirahan, maging parehas hindi man sa katayuan kundi sa karapatan, masaya na po ako at magiging masaya na rin po ang Pinoy noon. Hindi po kailangan ang kumplikadong plataporma,” ang pahayag ni Robin.
Kasunod nito, binanatan nga ng ilang netizens ang kanyang mga inihaing plano para sa sambayanang Filipino at inihalintulad nga sa ginagawa ng isang Grade 6 class president.
Depensa ni Binoe na naka-post sa kanyang Facebook page, “Ganon po ba grade 6 po ba Kawawang Pilipinas batid na pala ng grade 6 pero wala pa rin nagagawa yun mga kandidato ninyong sa Ibang Bansa pa nagsipag aral.
“Hindi po Kailangan ang Kumplikadong plataporma na puro porma Lang ang nangyayari at drama Lang sa media pero pagnanalo na ay nalimot na. Aksyon po ang Kailangan, Aksyon ng grade 6,” diin ng mister ni Mariel Rodriguez.
Patuloy pa niyang pagtatanggol sa sarili, “Mga Paulit ulit ng nakaupo at nangangako, Galing na galing kayo sa plataporma dahil napakasarap basahin, Yun iba palaliman pa sa wikang inglis pero bakit po kaya wala pa rin nangyayari sa plataporma nila at sa ibinoto niyo? Lalong naghihirap ang mahirap at yumayaman ang mayaman?”
Aniya pa, “Mabuti pa po yun grade school batid na ang problema sa Bayan niya at yun ang Unitariong sistema ng gobyerno na kahit na sino pa ang umupo kahit paulit ulit pa sa puwesto ay mauuwi Lang lahat sa basura ang mga pasiklab na platapormang matagal ng gamit sa kampanya at eleksyon. Puro kwento wala naman kwenta.
“Ang guminhawang buhay at yumaman hindi ang mga Pilipino kundi ang mga kandidatong May mga platapormang kumplikado at malalalim na ingles,” lahad pa ng aktor.
https://bandera.inquirer.net/285355/ang-yayabang-sa-internet-puro-lait-pero-in-person-wala-namang-personality
https://bandera.inquirer.net/292516/pokwang-napamura-sa-planong-pagbabalik-ng-faceface-classes-aiko-ogie-kumontra-rin
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.